Koreano natangayan ng P60,000 halaga ng gamit sa Hotel

UMAABOT sa halos P60,000 halaga ng gamit ang natangay mula sa isang kapitan at turistang Korean national habang kumakain sa coffee shop ng isang hotel sa Ermita, Maynila.

Personal na dumulog sa tanggapan ng Manila Police District –General Assignment Section, kahapon ang biktimang si Yang  Hyo Jeung, 55, may-asawa, pansamantalang nanunuluyan sa  #1538 Rivera Mansion Hotel na matatagpuan sa 1638 A. Mabini St.,Ermita, Maynila.

Sa reklamo ni Jeung kay PO3 Adonis Aguila, imbestigador ng MPD-GAS, kasamang kumakain ng biktima ang kanyang kaibigan na si Kyu Tae Park sa coffee shop ng nasabing hotel nang maganap ang insidente.

Sa salaysay ng biktima, inilagay nito ang kanyang bag sa kanyang upuan ngunit segundo lamang ang nakalipas nang biglang naglaho na parang bula nang mapansin nitong nawawala na sa kanyang tabi ang kanyang bag.

Base sa kuha ng CCTV ng nasabing hotel, makikita ang isang lalaki na pumuwesto sa likurang bahagi ng biktima habang may kausap sa kanyang cellphone at mabilis na kinuha ang bag ng turista.

Kabilang sa natangay sa biktima ang Samsung laptop, digital camera, USB flash drive, Samsung galaxy battery na umaabot sa kabuuang halaga na US$ 1,450 o katumbas na P59,450 kasama ang ilan pang mahahalagang gamit at dokumento.

Ayon kay Aguila, hindi umano mapagkakamalang miyembro ng “salisi” ang suspek na tinatayang nasa edad na 35 hanggang 40 dahil disente ang kanyang itsura.

Gayunman, nakikipag-ugnayan naman ang pamunuan ng hotel at nakatakdang magbigay ngayon ng kopya ng CCTV upang magamit sa pagtugis sa suspek.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply