Lusawin ang partylist law

HINDI matigil ang palitan ng akusasyon ang Akbayan partylist, Anakbayan at Bayan Muna na pawang may sariling kinatawang nakaupo sa Kongreso.

Maraming grupo ang nagsumite ng petisyon para maalisan ng karapatang makatakbo bilang partylist ang grupong Akbayan dahil karamihan sa kanilang mga lider ay nakaposisyon na sa gobyernong Aquino. Isa na nga rito si Po-litical Adviser Ronald Llamas alyas Boy DVD at alyas Totoy AK-47.

Mas lalo pang nadiin ang alyansa ng Akbayan at ng administrasyon nang malantad ang P14 million donation sa kanila ng magkakapatid na Kris, et, al noong 2010 elections. Sa tindi ng mga panawagan para sipain ng Comelec ang Akbayan, napunta ito sa sulok kaya wala nang nagawa kung hindi ituro naman ng kanilang mouthpiece ang Bayan Muna, Gabriela at Anakpawis bilang mga front ng NPA at Communist Party of the Philippines. Ang mga grupong ito naman ang kanilang pinadi-disqualify sa Comelec dahil ang mga pork barrel nila ang sinasabing nagpapalakas sa puwersa ng mga rebeldeng kumakalaban sa pamahalaan.

Aminin na nating lahat na masyadong nabababoy ang partylist system dahil na rin sa kagagawan ng Arroyo administration. Sinalaula ni Gloria ang maganda sanang intensiyon ng batas na magkaroon ng kinatawan ang lahat ng sektor. Dahil sa political crisis na kanyang sinuong, lahat na ng klase ng pabor ay ibinigay sa mga pulitiko at sa mga sektor na sumusuporta sa kanya para lang makatapos ng kanyang termino.

Sino ba namang mag-aakalang isang araw ay magiging kongresman si Arnel Ty na bilyonaryong dealer ng LPG?

Kung talagang gusto nating makatipid at totoong malinis ang ating political system na binaboy ng grupo ni Arroyo, dapat ay ipawalang-bisa na ang partylist law.

Sa isang banda, bakit pa kailangan natin ng 57 congressmen sa Kongreso gayung ang mga senador at kongresista ay may mandato na ng batas para ikatawan ang lahat ng sektor mula sa magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan at senior citizen. Ang mismong mga framer ng batas na lumikha sa partylist law ang nagbigay ng pagkakataon sa mga politiko na gamitin itong pagkakataon para mawaldas ang pera ng bayan sa walang kabagay-bagay ng mga kinatawan.

Ngayong nagbabatuhan na ng putik ang mga dating makakaliwa na naglaro sa gitna hanggang mapunta sa kanan, mas lalong nagkaroon ng dahilan ang mamamayan na paalisin na silang lahat sa Kongreso.

Huwag na tayong maglokohan, pare-pareho lang naman kayong nag-iingay laban sa katiwalian kapag hindi kayo napapartehan!

***

Agresibo ang Pangulong Aquino sa pag-iimbita ng mga foreign investor para mamuhunan dito sa atin. Sa tuwing lilipad siya sa ibang bansa, wala na siyang ginawa kundi himukin ang mga negosyante na maglagak ng puhunan dito.

Mas maraming negosyo, mas maraming magkakaroon ng trabaho. Pero ang malaking problema natin, ang Pilipinas ang isa sa mga unfriendly country to do business. Ang kahanay natin ay ang Laos at Timorese Leste na sobrang hirap na mga bansa.

Maraming local government ang guilty rito kaya sila dapat ang mabigyang-pansin sa problemang ito. Kapag mag-apply ka ng business permit, lahat ng klase ng pahirap ay aabutin mo, lalo na kung magsisimula ka pa lang ng negosyo. Aabot ata sa halos tatlumpung pirma ang kailangan mong makuha bago ka mabigyan ng lisensiya sa pagnenegosyo.

Ang sistemang ito ay nag-iimbita para sa patong-patong na tongpats. Kahit sa pagtatayo ng gusali o ng bahay, lahat ng klase ng dokumento ay hahanapin sa iyo bago ka bigyan

ng building permit. Pero kahit saan ka lumingong lokalidad, napakaraming squatter na kumpleto sa supply ng  tubig, kuryente at cable TV na hindi na nangailangan pa ng mga dokumento mula sa city hall. Ibig sabihin, talagang madali nilang pahirapan ang mga taong kaya nilang kikilan tulad ng mga lehitimong negosyante at mga gustong magtayo ng bahay.

Noong bago mag-2010, nasa 136th ang ranking natin bilang business friendly pero ngayon, nasa 138th na tayo.

Bumagsak pa ang ranking natin habang ipinagsisigawan ng gobyerno ang nakabibinging tuwid na daan.

***

Congratulations sa National Press Club sa kanyang ika-60 anibersaryo. Walang duda na nag-iba na ang mukha ng NPC magmula nang pamunuan nila Louie Logarta, Roy Mabasa, Jerry Yap at Benny Antiporda. Kahit ano pa ang sabihin ng mga grupo ng mga naunang henerasyon, hindi maitatangging tinamaan lamang sila ng virus na kung tawagan ay “inggit-

titis” kaya kung ano-anong paninira ang sinasabi nila sa present at immediate past- leadership

Nabigyan na kayo ng tiyansa noon na pamunuan ang NPC pero masyado n’yong pinagtabuyan ang mga taga-tabloid at mga taga-radyo dahil ang tingin n’yo sa inyong mga sarili ay sobrang gagaling at mga walang bahid ng dungis.

Nakalimutan nilang wala na sila rito ay narito pa ang NPC para maging moog ng pakikibaka para sa kabutihan ng working press regardless kung maliit man o malaki ang kanilang kompanya.

Mabuhay ang NPC!
allanpunglo@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply