Mabagal kumilos si PNP C/Supt. Ladao

NAGKAGULO sa command conference ng Olongapo City PNP nitong nakaraang linggo dahil napag-usapan ang mga hulidap, “kidnap for ransom” at pagkulong ng Olongapo PNP sa mga taong hindi naman kinakasuhan para nga naman pwede pang magkabayaran na lang.

Ito ang Totoo: ipinatawag rin si PO3 Alejandro Quinet, isa sa limang pulis patolang akusado sa Olongapo Prosecutors’ Office sa “kidnap for ransom” sa kapatid at hipag ng artistang si Jhake Vargas na alaga ni German Moreno na pinanggalingan ng P200k ransom.

Itinanggi naman ni Quinet sa harap ng mga opisyal sa Command Conference ang alegasyon, sa kabila ng una na niyang pag-amin sa ilang opisyal na naroon, at pagdawit pa kay PNP City Director Sr. Supt. Christopher Tambungan na tumanggap umano ng P20K, kaugnay ng “kidnap for ransom” ng mag-asawang Vargas.

Sa pagtatanong ng Philippine National Police Academy classmate ni Tambungan na si Supt. Armando Mariano, head ng OCPO investigation, harapan namang ibinulgar ni Insp. Gerald Fernandez ang P10k share umano ni Tambungan sa P50k ibinayad ng dalawang hinuli kaugnay ng “droga,” bagay na hindi itinanggi umano ni Tambungan na nagsabi lang na “Malay ko bang drug money iyon?”

Napakahiwaga na talaga ang kalalagayan ng kapulisan sa Olongapo kung saan dati ay dekada nang walang kaso ng carnapping na ngayon ay talamak, dati ay walang “kidnap for ransom” na ang may gawa ay mga parak.

Lalo ring lumaganap ang mga robbery, holdap at may mga summary execution na hindi umuusad ang kaso dahil pulis ang mga suspect, kahit may video pa mula  sa CCTV.

Hindi naman lahat ng Pulis-Olongapo ay gago at masasamang tao.

Madaling makita sa records na ilan lang sa mga ito ang nagkakapatong-patong na ang kinasasangkutang mga kaso kaya madaling matukoy kung talagang aaksiyunan lang ng mga nakatataas na kinauukulan.

Hindi lang natin maintindihan ang kawalan ng aksiyon ni Region 3 PNP Regonal Director Chief Supt. Edgardo Ladao

na mukhang hindi ina-abot ng tamang impormasyon kaugnay ng kalagayan ng kapulisan at paglagapak ng seguridad at kaayusan sa Olongapo.

May sinasanto bang politiko si Chief Supt. Ladao kaya walang pakialam sa katotohanan?

O kailangan pang si PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome ang umaksiyon bago man lang siya magretiro, tama po ba Pangulong Noynoy Aquino?

Habang isinusulat natin ang kolum na ito, nakabinbin sa Camp Olivas Pampanga ang usapin sa pamunuan ng Olongapo PNP.

Tingnan natin kung may aksiyong magaganap at kung tama ito. Kung wala at hindi, yari ang mga taga-Olongapo at ang PNP sa pangkalahatan ay tuluyang madudungisan ang pangalan.

Ito ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply