Mag-ingat lahat sa 5 araw na bakasyon

MAITUTURING na limang araw ang bakasyon ngayong Undas.

Nagsimula kahapon ang galaw ng milyong mamamayan paalis sa kanilang mga pinapasukang eskuwelahan, opisina, pabrika at iba pa.

Yung iba, papuntang lalawigan mula sa mga sentrong lugar gaya ng Metro Manila at Metro Cebu.

Ang iba naman ay galing sa mga lalawigan papunta sa nabanggit na mga sentrong lungsod at iba pa.

Matatapos ang bakasyon sa Linggo ngunit marami ang nasa lansangan sa kinabukasan.

Bus, jeep, tren, traysikel, habal-habal, kasama na ang mga LRT at MRt, eroplano, barko at bangka ang mga sinasakyan.

Punuan ang mga ito na naglalakbay.

Karaniwang pami-pamilya ang biyahe ng mga Filipino sa Undas dahil pagdalaw sa kanilang mga yumao ang ang pakay nila.

Yung iba, reunion na rin ng mga patay at buhay.

DISGRASYA IWASAN

Alam natin na ang mga eroplano ay sobrang higpit ang kanilang ginagawa para hindi sila magkaroon ng mga disgrasya.

Kung madisgrasya naman kasi ang eroplano, kahit magdasal ka at ipagdasal ka ng iba, milagro lang ang magliligtas sa iyo.

Diyos lang ang pag-asa natin dito, mga Bro.

Ang nasa isipan natin ay ang mga gamit na pambiyahe sa lupa at dagat.

OVERLOADING

May mga pang-aabuso sa mga panlupa at pandagat na sasakyan sa maraming pagkakataon.

Kabilang sa mga pang-aabuso ang overloading, overspeeding at iba pa.

Kapag may overloading sa barko, pag tumagilid ito at nawalan ng balanse, disgrasya na yan.

Sa mga panlupang sasakyan, pag may overloading at overspeeding,  naririyan ang pagsabog ng mga gulong, pagkawala ng mga preno at pagkasira ng mga gamit sa manibela at direksyon.

Lahat ng ito ay pagmumulan ng mga matitinding disgrasya.

Sa mga eroplano, daan ang mga mabibiktima, sa mga bus, marami rin at sa mga jeep at traysikel, mas kakaunti.

Pero sa barko, daan-daan at libo ang mapipinsala.

Ganyan kagrabe.

At puno tayo, mga Bro, ng mga nakaiiyak na kalagayan sa disgrasya.

INSPEKSYON NG AWTORIDAD

Hayaan natin ang pamahalaan, ang mga tauhan nito na tiyakin ang ating kaligtasan.

May sapat na kaalaman, gamit, disiplina at kakayahan  ang mga ito na magbigay sa atin ng kainakailangan para sa ating kaligtasan.

Magtiwala tayo sa kanila sa kanilang mga ginagawa.

Kung may mga hassle man, gaya ng medyo matagal na mga inspeksyon, basta makaluwas tayo ng ligtas, okey na sa atin.

TULUNGAN SILA

Pero hindi sapat ang mga awtoridad, ang bilang nila para paglingkuran tayo lahat.

Kahit pa may mga barangay official, security guard at non-government organizations na kasama o katu-katulong nila sa paglalagay sa ating sa mga ligtas na kalagayan.

Kailangan din nila ang ating pakikipagtulungan, mga Bro. Walang magagawa, halimbawa, ang mga kriminal, kahit gaano ka-notoryus ang mga ito, kung magkakaisa ang mamamayan, awtoridad at iba pa laban sa kanila.

Kahit pa nga sa paghawak ng mga tsuper ng kanilang mga manibela o ng mga piloto ng barko at eroplano ay pupuwede nating pakialaman kung kinakailangan.

Ang paalala nga lang sa overloading at overspeeding ay malaking bagay na para sa ating lahat upang makarating tayo ng ligtas at buhay sa ating mga minamahal na gusto nating puntahan at makita.

Ang mga salisi sa mga terminal, isnatser, budol-budol, nagtitinda ng mga pekeng tiket,  paninda, kabilang na ang pagkain at iba pa ay pupuwede rin nating masawata kung tayo ay magkakaisa at magtulugan sa lahat ng oras.

SUNOG AT AKYAT-BAHAY

Ugali na natin na dalhin ang buong pamilya sa mga libingan upang dumalaw sa mga yumao na nating mahal sa buhay.

Kaya naiiwan nating mag-isa ang ating mga tahanan.

Diyan posibleng maganap ang mga sunog at akyat bahay.

Magandang gawin ang pagtiyak na lahat ng mga kuryente ay patay at nakasara o patay ang mga pinanggagalingan ng apoy gaya ng m liquified petroleum gas at boiler at iba pa.

Huwag pairalin ang sakit na kalimot at tiyakin na nakakandado ang lahat ng mga bintana at pintuan ng ating mga tahanan upang hindi madale ng mga akyat bahay.

Magagaling at may kamay ng demonyo ang mga akyat bahay pero maigi na ring nakasara talaga ang mga tahanan natin hanggang sa puwersahan na lang kung pumasok sila.

SINA TSERMAN AT MGA TANOD

Napakahalaga sa mga pagkakataong ito papel ng ating mga tserman sa barangay, kagawad at tanod.

Karaniwan nang inaasahan natin ang mga kagalang-galang na maliliit nating opisyal na buhos ang kanilang atensyon sa safety ng ating mga tahanan at komunidad.

Marami nga riyan ang sanay rin laban sa sunog dahil may mga fire brigade sila.

Magandang magpaalam tayo sa kanila upang mayroon silang alalahanin.

Ang maganda kina tserman, kagawad at tanod, alam nila ang kinatatayuan ng ating mga tahanan, ang mga pagkukulang sa seguridad at iba pa kaya alam na nila ang kanilang gagawin kung may mangyari.

Magtiwala tayo sa kanila.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply