Mag-ingat sa pagkain ng brownies at cakes – PDEA

LUBHANG nakababahala ngayon ang babala ng Philippine Drug Enforcement Agency laban sa ibinebentang cakes at brownies sa kalye, partikular na sa labas ng mga pampublikong paaralan hindi lang sa Metro Manila kundi  sa  buong bansa.

Mismong si PDEA Director General Undersecretary Jose  Gutierrez, Jr.  ang nagbabala sa publiko na iwasan muna ang pagbili ng mga homemade na cake at brownie na ibinebenta sa kalye,  maging sa pagtanggap ng mga  regalong cakes at brownies  mula sa hindi kilalang mga  tao .

Aminado si Gutierrez na mura  ang mga ganitong pagkain kung sa labas bibilhin ngunit hindi mo naman sigurado kung ano ang mga inilalagay na sangkap sa mga ito .

Ang babala ay  ginawa ng PDEA makaraang magpositibo na may halong dahon ng marijuana ang kinain ng 17 empleyado ng Provincial hospital ng San Marcelino, Zambales.

Ayon sa PDEA, noong nakaraang linggo ay isang nurse ang nakatanggap ng tatlong kahon ng regalo na naglalaman umano ng brownies  bilang regalo sa kanyang birthday at ang nasabing brownies ay pinagsaluhan umano ng 17 na mga empleyado ng nasabing hospital.

Matapos kumain ay nakaramdam ng pagkahilo at pananakit ng katawan ang mga health worker kung kaya agad na binigyan ang mga ito ng  paunang lunas.

Agad na ipinasuri ang kinaing brownies at nang lumabas ang resulta ay napag-alaman na positibong may inihalong  pinatuyong dahon ng marijuana bilang isa sa mga sangkap sa paggawa ng brownies.

Lubhang naalarma rito ang PDEA  kung kaya agad silang nagpalabas ng warning sa publiko para maiwasan  ang  ganoong klase ng pangyayari.

Ayon kay PDEA-PIO Chief Director Derrick Carreon, ang sinomang makakakain ng ganitong uri ng pagkain na may sangkap ng pinatuyong marijuana o kaya ay dressing oil ng marijuana ay posibleng maging adik.

Sinasabing ang marijuana ang pinakagateway drug, at ang sinomang nakatikim  o nakagamit na nito ay posibleng maghanap ng mas malakas na uri ng droga.

Pinakilos na ni  Gutierrez ang kanyang mga tauhan para matukoy kung sino ang may pakana nito  at kung saan ang pagawaan ng mga nasabing pagkain.

Ang warning na ito ng PDEA ay huwag sanang baliwalain  lalo na ng mga magulang  na may  mga  estudyante  sa mga pam publikong paaralan kung saan ay  talamak ang nagbebenta ng mga pagkain sa labas .

Bukas po ang Lily’s Files Column natin  para  sa inyong mga reklamo, suggestions at kumento,  mag text lang po sa  0915-5683000  at  0908-7230036  o kaya ay mag-email lang sa … lpr_2012@yahoo.com …

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply