Magpakabait, Mr. President

HINDI dapat lumundag sa saya si dating Pangulong Arroyo kahit ibinasura na ng Ombudsman ang kasong graft laban sa kanya kaugnay ng sinasabing paglustay ng P530 milyong pondo ng OFWs.

Sa ipinakikitang kalupitan ng administrasyon, umasa tayong sa tuwing may madidismis na kaso kay Arroyo, tiyak na may bago silang maiisip na asunto.

Mawawalan na sila ng punching bag kung papayagan nilang makapamuhay nang normal
si Madame Gloria.

Kaya nga ang payo natin kay Pangulong Noynoy Aquino kahit hindi niya ako adviser, lumabas siya sa palasyo sa pagtatapos ng kanyang termino sa katanghalian ng June 30, 2016  nang ubod linis at walang bahid ng kahit anong katiwalian.

At sana lang,  hindi siya atakehin ng emphysema o anumang respiratory ailment dahil sa pagiging adik niya sa yosi para hindi rin siya pahirapan ng susunod na administrasyon tulad ng ginagawa niya sa sakiting si Gloria.

Bilog ang bola, Mr. President, kaya dapat magpakabait ka.

***

At para sana consistent si Noynoy sa kanyang  krusada laban sa mga katiwalian sa pamahalaan, dapat ay ganoon din ang pagtrato niya sa kanyang mga KKK o kabarkada, kabarilan at kaklase.

Paanong maniniwala ang bayan na seryoso siyang linisin ang pamahalaan gayung ang Pagcor chief na inaakusahan ng pagtanggap ng suhol sa casino operator ay ipinapasyal pa niya sa concert sa Araneta?

Kunsabagay, kapag kakampi nila ang isinasangkot sa anomalya, ang tawag nila ay standard practice.

Pero kapag kalaban nila sa pulitika ang itinuturo sa katiwalian, kahit hindi pa tapos ang kaso, guilty na ang pagtrato nila.

***

Paano naman makababangon  sa pagkakalugmok ang industriya ng pelikulang Filipino kung sa titulo at tema pa lamang ng kanilang mga ginagawa ay mistulang  mga basurang na-recycle na?

Dahil kumita ang Other Woman, sinundan agad nila ito ng Mistress. Ngayon naman, coming soon ang A Secret Love Affair na tungkol din sa mga kabit.

Wala na ba talaga kayong maisip na konsepto kung hindi ang pagpapakita ng kaimoralan sa pelikula?

Multuhin sana kayo ni Lino Brocka!

***

Hindi dapat  maging negatibo ang pagtingin sa panukala ng United Nations na gawing legal ang prostitusyon.

Sa ngayon, iligal ito sa ating bansa kaya nag-aamok ang mga politiko sa pagtutol na gawing ligal.

Kailangang tanggapin na natin ang katotohanan na ang prostitusyon ay nauna pa sa ating lahat.

At siguradong wala na tayong mga nagsalin-saling  henerasyon ay nariyan pa rin ang prostitusyon.

Kung bubuksan lang natin ang ating kaisipan at itrato ang sektor na ito bilang industriya, marami tayong maililigtas na buhay.

Ang mga politikong tumutol na gawing legal ang prostitusyon ay karaniwan ding nakikinabang dito.

Puta ang tingin nila kapag sa mga beer garden nagmula ang mga babae pero kapag sila ang nagpapakuha at pinadadala sa mga 5-star hotel, escort na  ang tawag nila.

Kung magiging legal ang prostitusyon, magkakaroon ng regulasyon mula sa pagtiyak na hindi lalaganap ang sakit, matutukoy rin kung saan lang sila dapat mag-operate.

Higit sa lahat,  puwede pang  buwisan ng pamahalaan ang mga prostitute at ang kanilang mga bugaw. Iyon ang talagang sin tax!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply