Manloloko lahat ng SBMA managers – Camara

NILAGLAG ng SBMA Adhoc Disposal Committe (ADC) ang Speed Plus Distribution, Inc. na highest bidder sa tinatayang mahigit 2,000 toneladang scrap metals sa Subic Power Plant.

Matapos manalo nitong nakaraang linggo sa halagang P37.2M, mataas lang ng P100K sa nanalo sa naunang bidding na ibinasura ng SBMA board sa kadahilanang ewan, diniskwalipika ito dahil sa pekeng dokumento.

Nauna na nating pinuna si SBMA Director Philip Camara sa mistulang pag-endorso sa Speed Plus sa pagpapakilala niya sa may-aring si Cesar “Oscar” Cruz kay Atty. Ma. Leonora R. Tabla-dillo, chairperson ng bid committee na nagbibitiw sa komite sa takot sa anomalya.

Natuloy naman ang bidding at nanalo pa rin nga ang Speed Plus pero ilang araw matapos ang bidding bago pa maisara ang transaksiyon ay sumemplang nga sa beripikasyon ng “financial statements.”

Ito Ang Totoo: sa halip maresolba, lalong dumami ang mga tanong sa magulong pa-bidding ng SBMA sa Subic Power Plant.

Tanong: bakit nakalusot sa bidding committee ang “Balance Sheet” ng Speed Plus na “as of Dec. 31, 2012” gayong ‘di pa tapos ang taong 2012 at pinasali pa rin sa bidding gayong kahit hindi matalino ay makikitang katarantaduhan ito?

Tanong: ano ba talaga ang ugnayan ni Camara sa Speed Plus dahil bago pa pumutok ang diskwalipikasyon nito, nagla-lobby si Camara sa kapwa niya mga direktor na apurahin ang pag-award sa Speed Plus dahil, aniya, baka lalo pang bumaba ang halaga ng bakal, na noong unang pa-bidding na binalewala ay P21/kilo, at ngayon ay P15/kilo na lang?

Tanong: bakit si Camara ang natataranta sa pagbabago ng presyo ng bakal na scrap, siya ba ang financier ng Speed Plus at pinanggalingan ng P5M bond na isinumite sa bidding committee sa porma ng tsekeng galing BDO Magallanes? Taga-Magallanes ba si Director Camara?

Tanong: ano ang batayan ni Camara sa paninisi sa aniya’y sindikato na aniya’y may kinalaman sa diskwalipikasyon ng Speed Plus? Ibig sabihin ba na ang bidding committee na pinamunuan ni Eng’g Dept. Manager Marco A. Estabillo ay bahagi ng sindikato, kung meron?

Tanong: kakasuhan ba ng SBMA si Cruz at Speed Plus sa pagsumite umano ng anila’y pe-keng dokumento, gayundin ang komite na nagpalusot muna nito at saka na lang pinuna nang magkagulo na? Marami pang katanungan na dapat masagot tulad ng pagdidikdik ni Camara kay Tabladillo sa SBMA board sa aniya’y pagsuway nito sa kani-lang utos, pero sa harapan ay panay ang bola niya sa abogada.

Mistulang basura rin ang paglalarawan ni Camara sa management officials ng SBMA na aniya’y puro manloloko o mandaraya at panukala niyang may SBMA director lagi sa bidding committee, na para bang ang lahat ng director, tulad niya lang ang mapagkakatiwalaan…excuse po, susuka lang po – ggwarrrrrkkk! Pwe!

Kung lapastangan si Camara sa mga managers ng mga departamento ng SBMA na itinatalagang miyembro ng mga bidding committee, ano pa kaya ang tingin ni Camara sa maliliit na empleyado ng SBMA, masahol pa sa suka at basura?

Ito Ang Totoo: kung walang kinalaman dito si Chairman & Administrator Roberto V. Garcia, paaksiyunan na niya kay Pangulong Noynoy Aquino ang mga dorobo sa hanay ng SBMA board. Tingnan nga natin, kung sakali, kung kasama si Camara sa ititimbre niya?

Sundan ang iba pang anggulo at mga usapin sa isyung ito ng bidding ng Subic Power.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply