Maralita, nagbanta na muling uulan ng bato sa EDSA vs demolisyon

NAGPAHAYAG ng pagkondena ang mga maralita ng Sitio San Roque sa North Triangle, Barangay Bagong Pag-asa, Lungsod Quezon, kaugnay sa nakaambang demolisyon ng mga kabahayan sa tabing EDSA at tabi ng Agham Road ngayong umaga, Oktubre 30.

Ayon sa lokal na chapter ng Kadamay sa North Triangle, nakatanggap sila ng ulat mula sa ilang mapagkakatiwalaang sources na itutuloy na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang pagpapatupad ng demolisyon sa kanilang komunidad. Ito ay sa kabila ng naging pahayag ni DILG Mar Roxas noong Oktubre 1 na ipatigil ang demolisyon hangga’t hindi natitiyak ng gubyerno ang maayos na malilipatan ng mga residente.

Ayon kay Jocy Lopez, lider ng Kadamay sa komunidad, wala namang nagbago sa alok na relokasyon gubyerno sa mga residente. “Hinahamon namin si Roxas na panghawakan ang kaniyang salita na tigil-demolisyon sa North Triangle sapagkat nanatiling walang kabuhayan at malayo sa trabaho ang inaalok na pabahay sa Rodriguez, Rizal,” ani Lopez.

Ayon naman sa mga residente, tiyak umano na muling uulan ng bato sa EDSA kagaya ng naganap noong Setyembre 23 kung sakaling sapilitang palalayasin ang mga maralita ngayong umaga.”

Nagbanta rin ang mga maralita sa kapulisan na huwag nilang subukang gumamit ng dahas sapagkat handa nilang gawin ang lahat para ipaglaban ang kanilang tahanan at kabuhayan sa North Triangle.

Demolisyon para sa negosyo ni Ayala

Halos malinis na sa mga kabahayan ang espasyong sinasaklaw ng 54-metro mula sa EDSA. Patuloy umano ang pag-aalok ng National Housing Authority sa mga residente na lumipat na sa relokasyon. Marami sa kanila ang sa halip na magparelocate sa Rodriguez ay pinili na lang na magtayo ng mga bagong tirahan sa loob ng Sitio San Roque. Tinaningan sila ng lokal na pamahalaan at NHA na sapilitan silang paaalisin sa tabing EDSA ngayong araw kung hindi sila boluntaryong lilikas.

Isang business complex na pagmamay-ari ng Ayala Land, Inc at may pangalang Vertis North ang planong itayo sa lugar na lilisanin ng mga residente.

‘Notice of Eviction, hindi na uso ngayon’

Samantala, di gaya ng mga residente sa tabing EDSA na nakatanggap ng babala mula sa gubyerno, nangamba naman ang mga residente sa tabing Agham Road sa North Triangle na bibiglain sila ng awtoridad na napabalitang magsasagawa ng clearing operation sa tabing kalsada.

Ayon sa mga residente, may nagpaabot sa kanila na kinansela ng administrasyon ng Philippine Science High School ang klase sa eskwelahan ngayong araw dahil sa planong demolisyon sa North Triangle.

Hindi na raw umano uso ngayon ang Notice of Eviction mula sa naging karanasan ng mga residente sa tabi ng BIR Road na madaling nagiba ang mga tahanan dahil sa hindi sila nabigyan ng notice mula sa awtoridad. Habang daan-daang kapulisan at mga iligal na pag-aresto ang ginagawa sa mga lumalabang maralita upang matiyak ang pagpapalayas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply