Marcos reresbak sa $353.6-M contempt judgment sa US Court

INIHAYAG ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kanilang haharapin sa korte ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanyang pamilya kaugnay ng $353.6 milyong contempt judgment na pinagtibay ng US Court of Appeals kamakailan.

Sa ipinalabas na pahayag nitong Martes, sinabi ni Marcos na nakahanda ang kanyang pamilya na harapin ang pinagtibay na parusang contempt ng US Court of Appeals for the Ninth Circuit na pinagbabayad ang  pamilya nito ng naturang halaga matapos mapatunayan nilabag ang kautusan na huwag gagalawin ang Marcos’ estate.

Ayon kay Marcos, tungkulin nilang pangalagaan ang naiwan na ari-arian ng ama kaya’t nararapat lamang na ipagtanggol niya ito sa anumang korte pagsapit ng panahon.

“As the co-executor of my father’s estate, it is my duty to administer the estate’s assets properly. Therefore, we will deal with this matter when it is filed in the proper court,” ayon kay Marcos.

Aniya, pangarap ng pamilya Marcos na matuldukan ang isyung ito na kanilang kinahaharap simula nang mapatalsik ang ama noong 1986 sa tinaguriang EDSA People Power Revolution.

“Tulad ng ating mga kababayang Pilipino, ganoon din ang pagnanais ng aming pamilya na tuluyan nang makausad ang ating bansa. Higit kaninuman, kami ang may pinakamasidhing pangarap na matuldukan na ang mga usaping tulad nito sa paraang naaayon sa batas,” giit ni Marcos.

Nitong Oktubre 24, 2012, nagdesisyon ng US Court of Appeals for the Ninth Circuit na pinagtitibay ang contempt judgment laban sa pamilya Marcos na nagpapataw ng $353.6 milyong parusa na siyang pinakamalaking contempt award  na pinagtibay ng appelate court.

Ipinataw ang kautusan laban kina Imelda at anak nitong si Bongbong dahil sa misconduct kaya lumawak ang posibilidad para sa koleksiyon ng salapi ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadurya.

Nagsimula ang paghahabol sa pamilya Marcos noong 1986 na naigawad sa biktima ang mahigit $2 bilyong salapi.

Natuklasan ng korte na habang dinidinig ang kaso, nakipagsabwatan ang pamilya Marcos sa gobyerno ng Pilipinas na magkaroon ng judgment proof ang Marcos estate.

Matapos ang limang araw ng paglilitis, pinatawan ng korte ang pamilya Marcos ng $100,000 parusa kada araw simula noong Feb. 3, 1995, hanggang Feb. 3, 2005, na natapos ang contempt order, kaya umabot sa $353,600,000 ang multa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply