Masaker ng mag-iinang B’laan, pinaiimbestigahan

PINAIIMBESTIGAHAN ng grupong Hustisya ang pagmasaker ng isang babaeng B’laan at kanyang dalawang anak sa Tampakan, South Cotabato ng mga hinihinalang elemento ng 27th Infantry Batallion ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Nakikiisa kami sa panawagan ng hustisya para kay Juvy Capion, at kanyang mga anak na sina Pop at John. Umaasa kaming magkakaisa ang buong tribong B’laan para igiit ang hustisya at huwag matakot sa anumang tangkang patahimikin sila ng mga maysala,” sinabi ni Cristina Guevarra, secretary general ng Hustisya.

Ang B’laan ay isang grupo ng katutubo sa South Cotabato, na tumututol sa pagpasok ng pagmimina ng Xstrata-Sagitarrius Mines Inc., sa kanilang lupaing ninuno. Ang Xstrata-Sagitarrius Mines Inc. ay pagmamay-ari ng Xstrata Copper na nakabase sa Australia, Target ang erya ng mga B’laan ng pagmimina ng ginto at tanso.

Ayon sa Hustisya, dapat kondenahin ang paghuhugas-kamay ng militar sa naganap na masaker.

“Nakagagalit ang paghuhugas kamay ng militar sa insidente at pinapalabas pa nilang engkwentro ang naganap. Kailangang managot ang mga kumander ng yunit ng militar na sangkot dito,” ani Guevarra.

Giit ng grupo, kailangang magkaroon ng kagyat, hiwalay at masusing imbestigasyon dahil marami na sa mga kaso ng pagpaslang at masaker ang pinagtatakpan ng militar sa pagsasabing ito ay engkwentro o “crossfire.”

Kinondena din ng grupo ang patuloy na operasyong militar sa lugar ng mga katutubo.

“Malinaw kung para kanino ang ginagawang operasyon ng mga militar. Ito’y hindi para protektahan ang mga katutubo kundi para patahimikin sila sa kanilang paglaban sa dayuhang pagmimina. Ang mga dayuhang kumpanyang sumisira ng ating kalikasan at nagpapalayas sa ating mga katutubo ang pinoprotektahan ng mga sundalo sa basbas ng gobyerno,” paliwanag ni Guevarra.

Sa ilalim ng gobyernong Aquino, mayroon nang 28 katutubo ang pinaslang. Kalakhan ng mga biktima ay aktibong nangunguna o sumusuporta sa mga kampanya kontra sa mapaminsalang pagmimina sa kanilang mga lupang ninuno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply