May nagpapatayan sa halalan at mga kabataan

MAINIT na ang pulitika kaugnay ng halalang 2013.

Pinakahuling biktima si Lupi, Camarines Sur Mayor  Leo Raul Matamorosa .

Huling termino ni Mayor Matamorosa at papalit sa kanya bilang kandidato ang isa niyang kapatid.

Wala tayong pinararatangan dito ngunit masasabi lang natin na kahit malayo pa ang pulitika, nagsisimula nang mag-init ito.

Sapagkat ang totoo,  hindi lang si Mayor Matamorosa ang biktima ng halalang 2013.

Mayroon na ngang nauna sa kanya, batay sa dumarating na ulat sa atin.

MAHIRAP UGATIN

Sa nagdaang mga patayan kaugnay ng halalang 2013, halos wala pang malilinaw na mga dahilan.

Nag-iimbestiga pa ang mga awtoridad.

Ngunit masasabi natin na target talaga ang lahat ng mga politiko, incumbent man o kandidato pa lamang o paalis na gaya ni Matamorosa, ng mga killer.

Nahihirapan ang mga awtoridad sa pagtukoy sa mga dahilan at sa pagkilala sa mga killer dahil nauuso na ang riding in tandem.

Maaaring ganito rin ang mangyayari sa kaso ni Mayor Matamoroso.

Huwag naman sana.

COMELEC DAPAT KUMILOS NA

Sa pakiwari natin, mga Bro, hanggang problema sa mga politiko, partylist at botante pa lang ang pinagkakaabalahan ng Commission on Elections.

Ngunit ang pagpapa-file nito ng mga certificate of candidacy para maaga itong makakilos sa preparasyon sa halalan ay nagsubo sa mga politiko sa mga umaapoy nang kalagayan.

Yun bang === nakataya na ang buhay ng mga politiko.

Kaya naman, mungkahi natin sa Comelec na gumawa na ito ng mga hakbang para protektahan ang buhay ng mga politiko.

Mayroon na kasing  nakaaalam kung sila ay matatalo o hindi. At dito nagkakaroon ng maagang solusyon sa kani-lang mga problema ang mga politiko.

Ang pagpatay sa kalaban ang tunay na solusyon sa pagkatalo o pagtitiyak ng panalo.

Yung iba naman, ay naniningil lamang ng pautang at sinasamantala nila ang paglabas-labas ng mga politiko sa kanilang mga tahanan o opisina. Yung iba, trip lang ang pagpatay nila sa mga politiko.

COUNTING MACHINES

Hindi man aminin ng mga taga-Comelec, ang paggamit ng mga counting machine sa halalan ang isa sa mga pinag-uugatan ng patayan sa pulitika.

Medyo mahihirapan na kasi ang mga politiko sa pandaraya sa paggamit ng mga dagdag-bawas, vote buying, flying voters, paninira at marami pang iba.

Diyan sa counting machine magiging pantay ang laban at diyan nakikita kung sino-sino talaga ang iluluklok ng taumbayan na mamumuno at maglilingkod sa kanila.

Gaya ng nasabi na natin, ang pagpatay ng kalaban ang pinakamabisang armas laban sa kalaban.

Sa harap ng problemang ito, ano-ano na ang ginagawa ng Comelec para proteksyunan ang mga politiko?

MEDIAMEN DAPAT DING MAGBANTAY

Normal sa lahat ng mediamen ang magsulat ng mga balitang kanilang kinakalap.

Paglabas ng kanilang mga ulat sa mga pahayagan, radyo, telebisyon at internet, may natutuwa at may nagagalit.

Ang mga nagagalit ang dapat na bantayan ng mediamen. Kahit pa gaano kabalansiyado ang ibinabalita ng mediamen, mayroon at mayroong nagagalit.

Gaya ng atin nang nararanasan, dito rin nauugat ang mga pagpaslang sa ating hanay.

Tatandaan natin na hindi na kuntento ang mga hinayupak na politiko sa pambibilanggo
sa atin sa pamamagitang ng mga kasong libelo.

Pilit tayong ibinabaon sa mga hukay, sa mga sementeryo.

COMELEC AT MEDIAMEN

Tanungin na rin natin ang Comelec kung ano-ano ang mga inihahanda nito para sa mediamen.

Kung hinahanapan natin ang Comelec ng proteksyon ng mga politiko mula sa Comelec, kalabisan ba ang paghahanap ng mediamen ng proteksyon din mula sa Comelec?

Sabagay, trabaho ng mediamen ang sumunod sa lahat ng yapak ng mga politiko at iulat sa madla ang gawain ng mga ito.

Ano ang masasabi ng Comelec kung masasalang na sa buhay at kamatayan ang mediamen?

Naiisip lang kasi natin, mga Bro, ang mga teacher at iba pang ina-accredit ng Comelec bilang kanilang mga kaagapay sa pagtitiyak ng malinis na halalan.

May pagsaalang-alang ang Comelec para sa mga ito. Ang mediamen kaya ay makaaasa
ng pagkalinga rin ng Comelec?

TRABAHO LANG AT KABATAAN

Sabagay, nag-aantay man ang kamatayan sa atin,   sumusugod pa rin tayo.

Trabaho kasi natin ang maghatid ng balita sa mamamayan kahit sa anomang usapin, gaya ng politika.

Tingnan ninyo, mga Bro, ang nakatutuwa at naka-i-inspire.

Alam ba ninyo na makaraang maganap ang Maguindanao massacre, dumami ang mga kabataan na gustong kumuha ng kursong pang-media?

Ilang magulang ang natatakot para sa kanilang mga anak.

Ngunit may sariling bait ang mga kabataan at hindi nagpapapigil ang mga ito na kumuha ng kurso sa pagbabalita.

Silang mga kabataan ang ating inspirasyon at nagbibigay sa atin ng higit na sigasig na magpatuloy sa ating propesyon.

Ang tatag ng loob, ang tapang na humarap sa kamatayan alang-alang sa pagbabalita at katotohanan ang dapat nating ipamana sa ating mga kabataan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply