Mga boses sa Internet

ISANG 14 na taong gulang na  babae sa Pakistan ang nagsaad ng kanyang malalim na saloobin sa kanyang personal ‘blog’. Matapang na inihayag ni Malala Yousufzai na bilang isang bata, may karapatan siyang mag-aral, maglaro, magsalita at maghayag ng opinion.

Sa bayan ni Malala na naghahari-harian ang kinatatakutang grupo ng Taliban, bawal ang musika at telebisyon. Ang mga babae ay laging nakatago, nakatakip ang mukha at hindi pwedeng magsalita ng kahit ano, lalo laban sa mga may kapangyarihan.

Pero nagpumilit si Malala, iginiit ang karapatan bilang tao, bilang bata at inihayag ang lahat ng kanyang saloobin sa Internet. Dahil doon, binaril ng mga Taliban si Malala sa ulo sa harap mismo ng kanyang mga kaeskwela sa loob ng school bus. Dahil sa boses ni Malala sa Internet, nanganib ang kanyang buhay.

Dito sa atin, may isa pang batang 14 din ang gulang, si Jan Eric Medina, na kasabay na nabalita. Pero mas mapalad si Jan, hindi nya kailangan ibuwis ang kanyang buhay.

Nabigyang-pansin ang kanyang pagkontra sa cybercrime law. Matagal na rin nakikipaglaban si Jan, sa kanyang murang edad, magaan sa kanya ang maghayag ng tunay na damdamin sa pamamagitan ng Internet.

Sabi ni Jan, kahit pa mas malaya ang bansang Pinas kumpara sa Pakistan, kung saan nabaril sa ulo si Malala, nangingimi na rin siya dahil sa cybercrime law.

Napakalaking isyu ang cybercrime law. Salamat naman at may Temporary Restraining Order (TRO) laban dito, pansamantala. Pero kailangan agad na ma-review ang batas na ito at maiayos ayon sa kasalukuyang mga kaganapan sa mundo.

Masyadong mabilis at malawak ang epekto ng mga bagong teknolohiya sa paraan ng komunikasyon sa kasalukuyang panahon.

At ang ating mga batas ay dapat humabol – the law needs to catch up.

Hindi lang tungkol sa cybercrime, kundi sa lahat ng batas sa Pilipinas na may kinalaman sa pakikitungo natin sa ibang bansa.

Kung hindi maghahabol ang mga batas, hindi na kailanman aangkop ang mga ito sa pangangailangan natin ayon na rin sa hinihingi ng tinatawag na globalization.

Hindi magandang balita na binaril sa ulo si Malala. Ang masama pa, dahil nakaligtas ang bata, nagpahayag ang Taliban na gagawin nila ang lahat para mapatay ang batang aktibista.

Ayon kay Jan Medina, hindi siya titigil na igiit ang kanyang mga karapatan bilang bata pero inamin niya na nangingimi na rin siya kahit papaano dahil ang kanyang ina mismo ang nag-aalala dahil nga sa pagkakapirma sa cybercrime law.

Sayang ang mga boses na ito sa Internet. Ang kabataan ang ating kinabukasan, ano ang ginagawa sa kanila?  Iilan ang tulad ni Malala, matapang sa kabila ng matindi at malupit na karahasan sa kanyang kapaligiran. Iilan lang ang katulad ni Jan Media, bata pa ay kaisa na sa pamamahala ng bayan. Sasayangin ba natin ang mga pangarap nila, bibiguin ba natin ang pangarap nilang malayang bukas. Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply