Mga kaso ng patayan nagkakapatong-patong

SA kasalukuyan, spot report na lang ang pinakamalalim na nagagawa ng mga pulis kaugnay sa kaso ng patayan sa Metro Manila.

Ibig sabihin nito, patong-patong na ang kaso na hawak ng mga imbestigador ng homicide at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU)  na halos walang magawa dahil patambak nang patambak ang kasong hinahawakan nila.

Dahil nga naman ultimo maliliit na kaso ay sila ang humahawak. Sa dami na ng mga tao na namumuhay sa Kamaynilaan ay parami na rin nang parami ang krimen na nagaganap. Kaya naman mukhang maganda ang proyekto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Leonardo Espina na palakasin ang police stations sa pamamagitan ng pagda-down load ng mga pulis na nakatalaga sa headquarters.

Hindi lang lumakas ang istasyon ng pulisya kundi maging ang barangay dahil ang mga pulis sa istasyon ay pawang itinalaga sa mga pangunahing sangay ng pamayanan. Sa barangay ay nagkakaroon ng pagtutulungan ang mga pulis at mamamayan kaya’t sa level pa lang na ito ay kayang-kaya nang sugpuin ang kriminalidad.

Sa magandang pakikisama ng mga pulis, tiyakna mismong ang mga tao na sa barangay ang magbibigay sa kanila ng impormasyon upang malutas ang partikular na kaso na nangyari sa lugar. Ang mga tao na rin ang makikiisa sa mga pulis sa pagmamanman sa mga lugar na madalas mangyari ang krimen at mag-uulat upang maiwasan ang mga susunod pang pangyayari.

Subalit mas maganda kung maipatutupad ang naisip ni Espina na pagbabalik sa mga istasyon ng pag-iimbestiga ng mga patayan sa lugar na nasasakupan nito. Mas madaling malutas ang kaso kung mga pulis na sa istasyon na madalas makausap at makasalamuha ng mga mamamayan sa barangay.

Bukod pa ito sa bawas kaso na hawak ng homicide o Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng distrito. Napakaraming hawak na kaso ng homicide na umaabot na sa hindi na pagkakalutas nito at pagpapabaya sa kaso dahil nga sa volume nito.

Nagkakapatong-patong na ang kasong hawak ng mga imbestigador ng homicide kung kaya’t kulang na ang oras ng mga ito sa pagkuha ng mga impormasyon at pag-follow-up upang malutas ang kaso.

Makabubuting katulad noong nagdaang panahon ang gawing paghawak ng kaso kung saan tutok ang oras at panahon ng mga imbestigador at follow-up ng homicide at CIDU sa sensational cases.  Nabibigyan nila ng tamang atensiyon ang paghawak ng kaso kung kaya’t may resulta o sa madaling salita ay nalulutas.

Ngayon, hirap ang mga pulis ng CIDU o homicide na malutas ang mga kasong hawak nila dahil na rin sa sobrang dami. Palasak naman kasi ang patayan na dala na rin ng iba’t ibang dahilan subalit ang umano’y talagang ugat ay kahirapan.

Dahil nais ni Gen. Espina na maging maayos ang palakad sa mga pulis, magkaroon ng hustisya ang mga naging biktima ng krimen at maipatupad ang kaayusan at kapayapaan sa Metro Manila, tama lang ang iniisip niyang pagbabalik ng simpleng mga kaso ng patayan sa mga istasyon ng pulisya.

Maging ang mga simpleng kaso ng nakawan ay dapat na ring hawakan ng istasyon, tutal ay napakarami na rin naman ng mga tauhan ng police stations. Bukod sa pagbabantay sa mga barangay, maisasaayos din nila ang pagmomonitor sa mga masasamang loob na may tangkang masama sa pamayanang kanilang pinaglilingkuran.

Go, Gen. Espina, Go. Tama ang iniisip mo na pagbabalik ng “prestige and glory” ng CIDU ng limang distrito ng pulisya sa NCR.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply