Mga kolorum at naglipanang krimen

ANO kaya ang nangyayari sa Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Traffic Management Group at iba pang ahensiya ng pamahalaan na dumudurog sa kolorum at paggamit sa mga sasakyan sa paggawa ng krimen?

Lumalabas kasi ang halos kawalan ng mga ahensiyang ito ng magandang performance laban sa kolorum at krimen na ginagawa gamit ang mga sasakyan.

ANG MGA KOLORUM

Kung walang kaukulang papeles ang isang sasakyang pampasahero, matatawag itong kolorum.

Ang kawalan ng prangkisa ang pangunahing pruweba ng kolorum.

Sa prangkisa, makikita ang mga itinakdang ruta ng mga sasakyan at permiso ng mga ito mula sa LTFRB na mamasahero.

Naglipana, mga Bro, ang mga ito sa lansangan lalo na sa gabi hanggang sa madaling araw.

Hindi lamang jeepney ang mga may kolorum. May mga traysikel din, taxi at bus.

Magtataka ka dahil sa kabila ng sinasabing mahigpit na kampanya laban sa mga kolorum, naglipana pa rin ang mga ito.

PULIS AT MAKAPANGYARIHAN

Siyempre pa, maraming kolorum ang hawak ng mga ordinaryong driver at operator.

Pero habang nagtatagal ang panahon, dumarami ang mga driver-operator na pulis, NBI agent at sundalo.

Lalo na sa mga gumagalang FX kung tawagin.

Maraming pulis, ahente ng NBI at iba pang may impluwensiya o makapangyarihang driver at operator ang kumukuha ng hulugang pampasaherong sasakyan.

Katwiran ng mga ito, maliit ang sinasahod nila at ang pagbili at pamamasada ng mga pampasaherong sasakyan ang ginagawa nilang pandagdag-kita.

Sa mga araw na may pasok, namamasahero ang mga ito habang papasok o pauwi sila.

Yung iba nagagawang mag-round trip.

At ngayong sinasabi ng pamunuan ng PNP na ocho-ocho na lang ang oras ng mga pulis, naiisip na ng iba na mamasada sa oras na wala silang pasok.

MAYROONG IMPLUWENSIYA

Pero alam ba ninyong may mga maiimpluwensyang may-ari o may kontrol sa mga malalaking kompanya ng sasakyan?

Lingid sa kaalaman ng mga ordinaryong mananakay at mamamayan, naglipana ang mga kolorum na bus ng malalaking kompanya na may koneksyon sa mga matataas ng opisyal ng bayan.

Kung nakayanan ng mga awtoridad na baklasin ang kalokohan ng mga ordinaryong may-ari ng mga kompanya ng bus, hirap na hirap silang perwisyuhin ang mga may kapit sa pamahalaan na mga operator.

Nalalaman natin ito sa sumbong ng mga nag-aaway-away sa prangkisa na iniisyu ng LTFRB para sa mga bus.

Isang sample ng kolorum sa bus ang pagkakaroon ng prangkisa ng mga bus sa mga rutang panlalawigan ngunit dumarating o pumupunta ang mga ito sa mga sentrong lungsod, gaya ng Metro Manila.

Saka na lang nasisita ang mga ito kung nasasangkot na sila sa mga disgrasya.

Pero sa huli, pagkatapos ang isang imbestigasyon na name-media, katahimikan na ang kasunod at nakikita muli na bumibiyahe ang mga sasakyang sangkot sa mga disgrasya at pangongolorum.

KAMBAL PLAKA, TUNAY NA STICKER

Bukod sa mga kambal plaka na pandaya sa araw ng paglabas ng mga sasakyan sa mga lugar na may number coding, gaya ng Metro Manila, naglipanA ang mga genuine na sticker na iniisyu ng mga taong LTO.

Siyempre pa, dahil genuine ang mga sticker, tiwala ang mga awtoridad na regular ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan.

Sa maraming pagkakataon, may kasama ring papeles ang mga genuine na sticker ang mga sasakyan na kung hindi mo isalang sa masusing pag-aaral ay mapagkakamalan mong tunay.

Kung may mga talahib na driver’s license, may talahib din na mga prangkisa.

Makikita ito kahit saan.

MATRAPIK DAHIL SA MGA KOLORUM

Ang mga kolorum ang isa sa mga dahilan kung bakit madalas na sumisikip ang mga lansangan.

Tama ang punto ng mga samahang gaya ng PISTON na kung magaling lang ang gobyerno sa pagkilatis at pagkontrol sa mga kolorum ng mga may kapit, may KKK at iba pa na operator o driver, giginhawa nang malaki ang mga lansangan at hindi magmumukhang parking area sa marami at mahabang oras ang mga ito.

NAKATATAKOT NA KOLORUM

Pero para sa ordinaryong mamamayan, higit na nakatatakot sa kanya ang pangongolorum ng mga kriminal.

Maaaring pulis ang mga ito o sibilyan.

Marami na ang nakararanas na mga driver pa ang holdaper, rapist at iba pa.

Talaga namang perwisyo ang mga ito.

Dito naman kinakikitaan ang mga kaukulang lingkod bayan ng labis na kahinaan.

Maraming krimen dito ang nagaganap sa gabi.

Ito naman ang panahon na wala ang mga traffic enforcer. Paisa-isa naman ang mga patrol sa gabi.

At kung may patrol man, mas bisi sila sa kasisita sa mga sasakyang may dala-dalang container van, gulay, isda, itlog at iba pa.

KAKOSA NG MGA KRIMINAL

Ang pagkakasangkot sa mga krimen sa lansangan ng mga awtoridad ay malaking sakit sa ulo at kinatatakutan ng mga ordinaryong mamamayan.

Nakatatakot talaga ang mga balita na ang mga ex at aktibong pulis at sundalo ay napakatitinding kriminal sa lansangan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply