Mga maralita, binato ng tsinelas ang opisina ng DILG

NAGMARTSA ngayong umaga ang iba’t ibang grupo ng maralita sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon-Quezon City patungong Department of Interior and Local Government (DILG) sa EDSA at binato nila ng tsinelas ang labas ng nasabing tanggapan bilang pagkondena sa kawalang aksyon ni Secretary Mar Roxas sa mga karahasan kaugnay sa demolisyon ng tirahan ng maralita.

Kasama ang Kadamay at Courage Partylist, lumahok din sa protesta ang iba pang grupo ng maralita mula sa Laperal Compound sa Makati na giniba ang tahanan noong Abril 2011.

Kinondena rin ng maralita ang naganap na demolisyon ng kabahayan sa komunidad sa tabi ng BIR Road noong Martes. Isa lang umano ang nasabing komunidad sa 26 na komunidad na nakahanay sa priority list for relocation sa QC, ayon sa Urban Poor Affair’s Office.

Ani Carlito Badion, convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon, higit sa 234,000 pamilyang maralita ang nakaambang mawalan ng tahanan sa QC sa mga darating na buwan at taon dahil sa Zero-Informal Settler na programa ng lokal na pamahalaan.

Binira rin ng alyansa ang bagong Zoning Ordinance na ngayon ay nakasalang na sa lokal na konseho ng Lungsod Quezon.

Ito umano ang magtitiyak sa malawakang pagpapalayas sa mga illegal settler sa QC para ilako ang mga lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan sa mga negosyante.

Sa tala rin ng alyansa, may banta ng demolisyon sa darating na mga araw bago o pagkatapos ng All-Saints’ Day sa ilang komunidad sa tabi ng Commonwealth Ave sa Barangay Old Balara, sa Narra Street sa Barangay Payatas, at sa Florentino Street sa Barangay Sto Domingo.

Paglabag ng kapulisan at LGU

Pagkatapos ng programa sa CityHall ay magmamartsa ang mga maralita sa tanggapan ni DILG Sec. Mar Roxas upang idulog ang mga naging paglabag ng kapulisan sa naganap na demolisyon sa tabi ng BIR Road noong Martes.

Pinaiimbestigahan din nila sa bagong kalihim ang paggamit sa Camp Caringal bilang staging area ng mga maralita sa tabi ng BIR Road na nawalan ng tirahan. 31 pamilya ang dinala ng kapulisan sa kampo ng kapulisan matapos gibain ng awtoridad ang kanilang tahanan noong Martes.

‘Big Tsinelas’

Sa programa sa DILG, binato ng mga raliyista ng tsinelas ang harapan ng tanggapan ni Sec Roxas. Ayon sa grupo, simbolo ito ng kawalang aksyon ni Roxas sa matinding paglabag ng mga elemento ng PNP at ng mga LGU sa pagsasagawa ng mga demolisyon sa mga komunidad ng maralita.

“Ginagawa namin ang pambabato upang ipaalala kay Roxas ang nauna niyang binanggit ng isang ‘Big Tsinelas’ ang kakailanganin niyang punuan sa pag-upo niya bilang DILG secretary. Kitang-kita ng mga maralita malayung-malayo si Roxas sa dating DILG Sec Jesse Robredo sa pagtrato niya sa mga maralitang lungsod na apektado ng demolisyon,” ani Badion.

Ito na ang ika-5 beses na lumusob ang mga maralita sa tanggapan ni Roxas simula ng umupo ito bilang DILG secretary noong Oktubre 1. Ngunit, ayon kay Badion, hanggang ngayon ay wala pa umanong aksyon si Roxas sa kanilang mga kahilingan.

Tigil-demolisyon

Nanawagan din ang grupo kay Roxas na agarang ipatigil ang mga nakaambang demolisyon sa komunidad ng maralita sa Lungsod Quezon at sa buong bansa habang nagsasagawa ang DILG ng masusing imbestigasyon sa mga nagpapatuloy na karahasan.

Sa panahon ni Robredo, dalawang beses ipinatigil ng namayapang kalihim ang demolisyon sa kabahayan ng mga maralita. Unang beses na nag-utos ng tigil-demolisyon ang DILG noong Disyembre 2010 matapos ang demolisyon sa North Triangle, na naulit pa noong Abril 2012 matapos ang marahas na demolisyon ng kabahayah sa Silverio Compound, Parañaque.

“Naglabas man ng kautusan si Roxas na ipatigil ang demolisyon sa North Triangle  sa unang araw nito sa DILG ngunit ito ay pang-‘photo ops’ lang sapagkat patuloy ang ginagawang banta ng pagpapalayas ng NHA sa mga residente ng komunidad sa tabi ng EDSA,” ani Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply