Maralita sa Montalban, lulusob sa lokal na NHA

MAGMAMARTSA ngayong araw ang daan-daang maralitang nakatira sa relokasyon ng pamahalaan sa Kasiglahan Village, Brgy San Jose, Rodriguez (Montalban) upang hilingin sa lokal na ahensya ng National Housing Authority sa Montalban ang agarang pagpapababa ng singil sa kuryente at tubig sa relokasyon.

Ani Michael Villamor, taga-pangulo ng Kadamay-Anakpawis Kasiglahan Village Chapter, “Hindi na nila makayanan ang ‘pagnenegosyong’ ginagawa sa kanila ng lokal na ahensya ng NHA sa Montalban kasabwat ang New San Jose Builders, Inc.

Retailer ng kuryente at tubig

Ayon sa lider, nagsisilbing ‘retailer’ umano ng kuryente at tubig ang NSJB na siya ring kumontrata sa pagpapagawa ng mga housing units sa nasabing relokasyon, sa basbas ng NHA. Sa kasalukuyang kalakaran, aabot sa 40-41 kada metro kubiko ang binabayaran ng mga relocatees sa singil sa tubig, habang aabot sa P15 kada kilowattperhour naman ang singil sa kuryente. Maanomalya din umano ang paniningil ng NSJB ng mga datihan ng bill sa kuryente ng mga residente kahit na ang mga ito ay bayad na.

“Sa kalagayang wala namang permanenteng kabuhayan at trabaho ang mga relocatees na malapit sa kanilang relokasyon, nagpapalala lamang sa hikahos na nilang kalagayan ang mga mataas na singilin sa kuryente at tubig,” ani Villamor.

Nanawagan din ang grupo na mabigyan ng gubyerno ang bawat bahay sa relokasyon ng direktang linya ng kuryente at tubig upang maiwasan ang pagnenegosyong ginagawa sa kanila ng mga nasa katungkulan.

Kautusan ng lokal na pamahalaan ng Montalban

Marami sa mga relocatees sa Kasiglahan Village ang nalubog sa abot-bubong na tubig baha sa kasagsagan ng matinding pag-ulan hatid ng hanging Habagat noong Agosto. Kasalukuyang ipinatigil muna ng mga lokal na pamahalaan ng Rodriguez ang pagpapasok ng mga bagong relocatees sa Kasiglahan Village IK2 Phase 1 mula sa Lungsod Quezon at Maynila.

Ipinapatigil din ng lokal na pamahalaan ang pagbabanta ng NHA na tanggalan ng suplay ng tubig at kuryente ang mga relocatees na nag-okupa ng mga unit sa mas matataas na lugar noong Agosto para pabalikin sila sa dati nilang mga bahay na nalubog sa baha.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply