Mga tiwaling pulis-SBMA at Olongapo

UMUUSOK sa galit si Gen. Orlando Maddela (ret. PNP) nang malaman ang ginawa, o kawalan ng ginawa, ng ilan niyang tauhan sa mga magnanakaw ng kable ng kuryente na kanilang naaktuhan sa bakuran ng Subic Freeport.

Ito Ang Totoo: matagal nang problema ang nakawan sa Subic Freeport, kung saan, kahit nga okupadong gusali o bahay ay ninanakawan, iyon pa kayang mga sarado na o kaya’y abandonado, tulad ng dating Legenda Hotel & Casino?

Nitong Biyernes ng gabi natunghayan natin mismo ang umano’y mga nagnakaw sa Legenda na tinutunaw ang balot na plastic ng kable sa pamamagitan ng pagsunog, bagay na ginagawa mismo sa tabing bakod ng Freeport, ilang metrong pirasong lupa lang bago ang napakaduming ilog, malapit sa guwardiyadong 14th Street Gate.

Makapal na maitim na usok ang nakita natin kaya kahit gabi at napakasama ng amoy ng nasusunog na plastic ay nakuha ang ating atensiyon at mukhang pati ng mga tauhan ni Maddela sa Law Enforcement Department (LED).

Laking gulat lang natin na makita ang mga LED personnel, kumpleto uniporme, baril, posas at iba pa, na nanonood lang, habang ang umano’y mga magnanakaw ay parang walang nakikita o kinatatakutang kinauukulan.

Nabulabog lang ang mga hinalipak nang simulan natin silang litratuhan kaya nagpatay ng sindi at naghakot ng sako-sakong kable at kung ano pa, patawid sa mabaho at maruming ilog ng Olongapo.

Agad nag-utos ng imbestigasyon si Gen. Maddela at hinihingan naman siya ng full report ni SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia na nagsabing papatawan ng kaukulang parusa ang mga LED personnel kung mapatunayang may kapabayaan. OK lang dahil “due process” iyan, pero kahit grade 1 alam na sa sitwasyong ganyan, hindi puwedeng walang aksiyon ang mga kinauukulan.

***

Mas malala naman ang sitwasyon sa kabilang bakod ng Subic Freeport, sa lungsod ng Olongapo gaya ng tinalakay natin dito noong nakaraang linggo. Kidnap for ransom, robbery at violation of domicile ang kinakaharap na kaso ng mga pulis na tauhan ni City Director Sr. Supt. Christopher Tam-bungan. Biktima ng mga hinalipak ang pamilya ni Jhake Vargas, artistang alaga ni German Moreno na siyang nagpaluwal ng P200K “ransom” para sa kapatid at hipag nito.

Bumida pa si Tambungan sa media na hindi raw palalampasin ang mga tiwaling gawa ng mga tauhang pulis. Dapat at agree tayo diyan. Pero bakit nakikita pa ang naturang mga pulis na kinasuhan na sina PO1 Eleazar Jimenez, PO3 Alejandro Quinet at iba pa na painom-inom lang ng Red Horse sa kanto malapit sa Kampo Cabal, headquarters ng Olongpo PNP?

Kung tutuusin, at kung magtatrabaho lang ang Regional Director ng PNP na si PNP-Police Regional Office 3 Reg. Dir. PCSUPT. Edgardo Ladao at kung hindi bulag, pipi at bingi si PNP Chief Dir.-Gen. Nicanor Bartolome, paiimbestigahan nila ang pamunuan ng Olongapo PNP, kasama si Tambungan, para malaman kung gaano kalawak ang katarantaduhan na bumibiktima ng nananahimik na mga mamamayan sa Olongapo.

Kung walang maasahan sa Mayor ditong si Bong Gordon, kumilos naman kayo Gen. Ladao at lalo na po kayo pa-retire na PNP Chief Bartolome. Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply