MIAA umalma sa akusasyong ‘worst airport’ sa Asya

UMALMA ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa resulta ng isang online survey na nagsabing ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang pinakamalalang airport sa buong Asya.

Ayon kay MIAA General Manager Jose Angel Honrado, grupo ng mga airport sleeper o mga natutulog sa airport ang gumawa ng survey at nagagalit sila dahil walang sleeping facility ang mga paliparan sa bansa.

Tanggap umano nila ang naturang resulta ngunit hindi ito sapat na batayan para tawaging
worst airport ang NAIA.

Aniya, may 30 taon na sa serbisyo ang MIAA at itinayo ang airport noong 1982.

Tanggap umano nila ang kakulangan nila sa facilities for sleeping.

Dati ay mayroon silang 12 rooms na pinababayaran ng maliit na halaga ngunit pwedeng tulugan ng sinuman ngunit wala nito sa Terminal 1.

Matatandaang sinabi ng MIAA na hindi nila papatulan ang survey na ipinalabas ng travel website na “Sleeping in Airports” kung saan nanguna ang NAIA Terminal 1 sa pinakapangit na paliparan sa Asya.

Ani Honrado, walang sapat na batayan ang naturang website at hindi naman tiyak kung dumaan sa tamang proseso ang pagsu-survey dito.

Giit pa niya, anim na buwan na nilang nasimulan ang renovation nang lumabas ang unang survey.

Gayunman, kahit hindi sila bilib sa sarbey, isasaayos na rin nila ang mga bagay na inirereklamo ng naturang travel website tulad ng magulong taxi bay at mga mandarayang taxi driver, pati na rin ang mga ‘batang hamog’ na nangha-harass sa mga dayuhang pasahero.

Ani Honrado, nagpalabas na ng bagong circular ang MIAA para sa mga airport o coupon taxi.

Magbibigay sila ng mas mabigat na parusa sa mga mahuhuling nagsasamantala sa mga
pasahero.

Patuloy din aniya ang pagsasaayos ng ilang bahagi ng airport na sinimulan sa unang bahagi ng taon.

Aminado rin si Honrado na mahirap maubos ang mga “batang hamog” sa paligid ng airport dahil kahit mahuli nila ito at mai-turnover sa kani-kanilang pamilya ay bumabalik din sila kinabukasan.

Hirap din aniya ang mga pulis na hulihin ang mga “batang hamog” dahil sa bantang paghahain ng mga ito ng child abuse.

Sinabi naman ni Honrado na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng MIAA sa Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mabawasan na ang mga ganitong kaso.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply