Miriam kinastigo sa libel sa online

MISTULANG pinagalitan ni Senate President Juan Ponce Enrile si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa nakalusot na probisyon sa libelo at “take down” clause sa naisabatas na Anti-Cybercrime Prevention Act na siyang kinukuwestiyon ng mamamayan.

Sa panayam nitong Linggo, sinabi ni Enrile na dapat nabantayan ni Santiago na hindi makalusot ang naturang probisyon dahil isa siya sa kinikilalang constitutional law expert sa Senado.

“Alam mo, bunga iyan ng debate sa Senado, bunga iyan ng usapan doon. Eh, si Miriam, ang constitutionalist namin bakit wala siya doon. Ako naman nagkataon na absent yata ako nang aprubahan iyon, hindi ko naman mauusisa ang lahat ng batas, marami akong ginagawa. May minority pa, sila ang dapat umusisa sa ginawa ng majority,” ayon kay Enrile.

Sinabi ni Enrile na dapat laging nakabantay si Santiago laban sa anumang probisyon sa partikular na panukala na maaaring masabing labag sa Saligang Batas dahil eksperto siya sa naturang larangan.

“Dapat nakita nya (Miriam) iyan, kasi siya ang tintutukoy ng experts sa Constitutional law, hindi ko naman sinasabing expert ako, sana siya dapat tumututok habang ginagawa ang batas,” paliwanag ni Enrile.

Sinabi pa ni Enrile na hindi siya eksperto sa information technology kaya nararapat lamang na nabantayan ito ng Senate committee on science and technology na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara.

“Hindi ko napag-aaralan ang batas, hindi ko natutukan iyan, kasi I am not familiar with IT, mga problema dyan, kaya napunta sa komite, komite ang nag-aral nyan, inireport nila, binago nila, hindi ang bill ko ang inireport nila,” ayon kay Enrile.

Ngunit, idenepensa naman ni Enrile ang probisyong libelo sa batas sa paniniwalang dapat maging responsible ang sinumang online users na bantayan ang kanilang sarili laban sa paninira at pag-aalipusta sa kapwa.

“Hindi ko naman sinasabing hindi sila tama, but absolute rights and absolute freedom, is there is no such thing as absolute rights, absolute freedom, you must orient your rights to the rights of other people, you must exercise your rights with responsibility, respect the right of other people, , otherwise we will go back to the jungle, if the rule of the fittest or the strongest will prevail,” paliwanag niya.

Sinabi pa ni Enrile na dapat pabayaan na lamang na magdesisyon ang Supreme Court sa mga petisyon na nakahain laban sa naturang batas na siyang tungkulin nito kapag nagkakamali ang dalawang sangay ng gobyerno.

“Ipaubayan natin sa Korte Suprema. Iyan ang sistema natin, hindi naman namin sinasabi na palagi kaming tama, hindi naman kami Diyos, kung nagkamali kami, nandyan na nasa Saligang Batas natin na kung may pagkakamali ang executive, nagkakamali ang legislative nandyan ang Korte Suprema na gagawa ng desisyon,” patapos niya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply