Mobile E–Passport Services gaganapin sa Caloocan

BILANG handog ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga residente ng siyudad sa kanyang nalalapit na kaarawan ay magsasagawa ng Mobile E – Passport Services (Electronic Passport) ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang lokal na pamahalaan sa naturang lungsod sa darating na November 17, 2012.

Bukod sa DFA, magiging katuwang din ni Echiverri sa proyektong ito si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na gaganapin sa Bulwagang Katipunan na matatagpuan sa main city hall, A. Mabini St., Caloocan City.

Ayon kay Mayor Echiverri, ang mga interesadong residente ng lungsod ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon sa City Civil Registrar (main at north city hall) na simulang tumanggap nitong nakalipas na October 1 at magtatapos sa November 5 ng kasalukuyang taon.

Aniya, dakong alas 9:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon sa darating na November 17 ay ilalabas ng DFA ang pangalan ng mga residenteng nagsumite ng kanilang aplikasyon at naaprubahan para magkaroon ng pasaporte.

Kabilang sa mga kinakailangang dokumento sa pagsusumite ng aplikasyon ay ang birth certificate (certified true copy ng NSO), identification card kung saan nakalagay ang pangalan, kapanganakan at petsa.

Para naman sa mga taong kasal na gustong gamitin ang apelyido ng kanilang mister ay kinakailangang dalhin ang marriage contract (certified true copy ng NSO) at para naman sa mga balo, kinakailangang dalhin ang death certificate ng asawang lalaki.

Kinakailangan namang dalhin ng may edad na 18-taong gulang pababa ang kanilang mga magulang sa pagsusumite ng mga ito ng aplikasyon para sa pasaporte at kung sakali namang mag-isang aalis ng bansa ang menor de edad ay kailangang ipakita ang original at photocopy ng DSWD clearance at affidavit of support at consent ng mga magulang.

Tatanggap din ang DFA sa Mobile E – Passport Services ng renewal ng mga pasaporte.

Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin si Councilor RJ sa mga opisyal ng barangay sa buong lungsod upang ipabatid sa mga residente ang gaganaping Mobile E – Passport Services ng lokal na pamahalaan nang sa gayon ay hindi na kailangan lumayo pa ng mga ito sakaling gustong kumuha ng pasaporte.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply