Mobile patrol sa Maynila binuwag at cyber libel

IPINARAMDAM na ni NCRPO Director Leonardo Espina ang galit sa pagiging inutil ng karamihan sa mga mobile patrol sa buong Kamaynilaan.

Ayon kay Espina, ito raw ang dahilan nang walang humpay na pangongotong ng mga kapulisan na nakadestino sa mobile patrol unit dahil karamihan umano rito ay wala nang ginagawa.

Matatandaang naging biktima ng pangongotong ang anak ni Gen. Espina ng Quezon City Mobile Patrol Unit kung kaya’t naging mainit ang isyu ng mga mga mobile sa Kamaynilaan.

PULIS SA BRGY

Ililipat sa bara- barangay ang lahat ng mga tauhan ng mobile patrol unit, kasama na ang mga mobile nito, para nga naman daw mabilis ang responde at magkaroon ng responsibilidad ang bawat pulis na inaasahan ng taumbayan.

Pero naiisip kaya ni Gen. Espina na kung kayat lalong lumalakas ang loob ng mga masasamang elemento ay dahil na rin sa proteksyon na tinatamasa sa kapulisan na nakasasakop sa kanila partikular na sa PCP?

Paano na lang kung “patong” o “protektor” ng iligal ang hepe ng kanyang police community precint o barangay sa kanilang nasasakupan.

Pasensiya na lang ba ang taumbayan?

CHECK AND BALANCE NASAAN?

Sa ganang atin, siguro ay mas maganda kung hindi buwagin at sa halip ay bawasan ng tao ang mobile patrol para sakaling magkaroon man ng hokus-pokus sa PCP ay mayroon pa ring mobile patrol ang district na reresponde sa panawagan ng pangangailangan ng taumbayan.

Yan po ay payo lang!

MGA SENADOR NAG-AATRASAN

HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, pito nang senador ang nagpahayag ng kahandaan nilang iretoke ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 10175.

Lalo na ang probisyon nito sa libelo bilang isang mabigat na krimen.

Ang unang nagpakita ng pagkontra sa libelo sa anti cybercrime law ay si Sen. TJ Guingona. Makaraan ng isang araw, umaskad na rin sina Sen. Chiz Escudero at Peter Allan Cayetano at sumunod dito ang pagkontra rin ni Sen. Miriam Defensor Santiago. Nitong huli, nagpahayag na rin ng pagkontra sina Sen. Tony Trillanes at Tito Sotto.

Hiniling naman ni Angara ang suspensyon ng pagpapatupad ng batas na ito hangga’t walang nailalabas na Implementing Rules and Regulation para rito.

Ang pagkontra sa libelo sa nasabing batas ay lumalabas na dalawang anyo.

May naglalakad na ganap itong tanggalin sa batas.

‘Yung iba, gusto lang tanggalin ang kriminal na pananagutan o criminal liability rito.

“Yung iba naman, eh, sinasabing kung walang kakayahan na magbayad ng danyos ang nagkasala, kailangan itong makulong.

DE LIMA AYAW NA RIN

Sa naiintindihan natin, mga Bro, mismong si Justice Secretary Leila De Lima ay ayaw rin sa pagkakaroon ng libelo sa anti-cybercrime law.

Pero sa pag-unawa natin sa pag-iral ng batas, mapipilitan siyang ipatupad ito gusto man niya o ayaw sapagkat tungkulin nito ang magpatupad ng batas.

Gayunman, umaasa tayo na hindi magiging malupit si De Lima at ang ibang tagapagpatupad ng batas at pakinggan nila ang sinasabi ng katulad ni Angara na suspendihin ang pagpapairal ng batas hangga’t walang IRR at habang nag-iisip ang ibang mga mambabatas na tangggalin o retokehin ang cyber libel na bahagi nito.

MASO SA PAKO

Parang maso ang ipinalo ni House Minority Leader Danny Suarez sa isang pako sa pahayag nito ukol sa kontrobersya.

Ayon kay Suarez, pupuwedeng gamitin ng mga makapangyarihan at maiimpluwensya ang anti-cybercrime law laban sa media at mamamayan. Ito talaga ang isa sa mga nakikita natin na pangunahing gamit ng nasabing batas lalo’t maghahalalan na.

Lahat ng mga may rekord na politiko ay pupuwedeng magsampa ng kaso sa kahit sinong mediaman o mamamayan na maglalabas ng kanilang mga baho na personal at transaksyon bilang mga opisyal ng pamahalaan.

At dahil halalan, mawawalan ng karapatan ang mediamen at mamamayan na tumalakay sa mga kabulukan ng mga politiko sa oras na masampahan sila ng kasong libelo.

Karaniwang ipinagbabawal ng mga hukuman ang anomang paglalabas ng saloobin o balita sa oras na nasa kamay na nito ang kaso.

POSIBLE ANG AMYENDA

Ayon sa mga mambabatas, wala nang panahon parra sa pag-amyenda sa batas.

Ang rason nila, panahon na ng pagtalakay sa pambansang badyet para sa 2013.

May nagsasabi namang hindi na maharap ng mga mambabatas ang dumalo sa mga pulong ng Kongreso, sa Kamara man o sa Senado.

May katwiran ang mga ito.

Pero may naniniwala naman na pupuwedeng ihabol ang amyenda basta’t may malakas na puwersa ng mamamayan na magtutulak nito. ‘Yan ang paniniwala ni Cong. Suarez at saludo tayo sa kanya.

HAMON SA MAMAMAYAN

Ito ngayon ang hamon sa mamamayan.

Handa ba ang lahat na makisama sa mga pagkilos, hindi lamang sa mga internet kundi maging sa mga lansangan?

Street rally, mga Bro, ang isang epektibong paraan ng pagpapakita natin ng pagtutol sa pambibilanggo sa ating kung maglabas tayo ng mga kabulukan at pang-aabuso sa puwesto ng mga nasa pamahalaan.

Ang masasabi natin, mga Bro: Huwag matakot, makibaka para sa kalayaan sa pamamahayag.

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply