Molding minds

ISANG mabigat at malaking responsibilidad ang maging bahagi sa pagbuo ng katauhan ng isang tao, at gaya ng mga manlililok na mula sa mga simpleng bagay ay humuhubog at gumagawa ng isang obra, ang mga guro ay nagsisilbi ring isang tagahubog na nagbabahagi ng mga kaalaman sa isang bata.

Tila nakaguhit na sa palad ng Pilipinang si Maritess Enriquez, OFW sa Cambodia, ang maging guro at siguraduhing may kalidad and edukasyong ibinibigay niya sa kanyang mga estudyante.

Tubong Bicol si Maritess at nasa Pilipinas pa lamang siya ay nasa linya na siya ng pagtuturo.

Sa Bicol University siya unang nagturo at sa loob ng dalawampu’t isang taon ay nagsilbi siyang tagahatid ng kaalaman sa kanyang mga naging estudyante.

Wala sa plano ni Maritess ang magtrabaho sa ibang bansa, ngunit nang minsan silang bumisita ng kanyang asawa sa bansang Cambodia ay nahikayat silang hanapin ang kanilang kapalaran doon.

Halos magkasabay na dumating ang oportunidad para sa kanya at sa kanyang asawa, at iyon ang naging simula ng kanilang paninirahan habang nakikipagsapalaran sa nasabing bansa.

Ayon kay Maritess, halos walang ipinagkaiba ang pamumuhay roon dito sa Pilipinas, magmula sa klima, pagkain at maging ang kanyang pagiging teacher o guro ay nadala niya roon.

Sa isang unibersidad sa Phnom Penh unang nagturo si Maritess.

“Nagturo ako sa Build Bright University, sa masteral level nila, lahat ng tinuruan ko both bachelors and masteral. Kasi mapalad na ‘yun palang background ko sa atin ay malaking tulong dito,” kwento niya.

Sa kabila ng ibang lahi ang kanyang tinuturuan, at kung minsan ay nahihirapan sa pakikipag-communicate sa kanyang mga estudyante, nanatili ang dedikasyon niya sa kanyang propesyon.

Taong 2005 ay lumipat ng paaralang pinagtatrabahuhan si Ma-ritess. Naging principal siya ng isang international school na kung tawagin ay Quality Learning International School, kung saan ay higit niyang ipinakita at pinatunayan ang kanyang kakayahan hindi lamang sa pagtuturo kundi maging sa pag-papatakbo ng isang paaralan.

“Nagkaroon din ako ng chance to be a principal of the international school for 2 years. So maganda rin ang experience ko rito,” dagdag na kwento niya.

Bukod sa magandang sweldo na tinatanggap, ayon sa kanya ay mataas ang tingin ng mga Cambodians sa mga gurong Pinoy na nagtatrabaho roon at isa iyon sa mga ipinagmamalaki niya at nagbibigay inspirasyon sa kanya upang higit pa niyang pagbutihin ang karerang kanyang tinatahak.

Ang pagtuturo at pagiging isang guro ay hindi biro, ito ay gaya ng pagtatanim kung saan ay nagpupunla ng mga bagong kaalaman sa isipan ng mga batang iyong tinuturuan, mga kaalaman na makakatulong sa paghubog ng kanilang pagkatao at sa pagtahak nila sa landas ng hinaharap.- ‘Ika nga the children we are raising today, will determine what kind of society we will have in the future.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply