Morales, pinatumba sa rematch vs Garcia

BROOKLYN – Pinahiga sa lona ni defending WBC/WBA super lightweight champion Danny Garcia (25-0, 16 KOs) sa fourth `round ang Mexican ring legend na si Erik “El Terrible” Morales (52-9, 36 KOs) sa kanilang rematch na ginanap kanina sa Barclays Center sa Brooklyn, New York.

Nagmistulang “one-sided fight” ang pagtutuos ng dalawa dahil dinomina ni Garcia ang laban hanggang sa oras na 1:23 seconds ay isang malinis na left hook ang kanyang pinakawalan sa ika-apat na round na tumapos sa kalaban.

Napanatili naman ni Garcia, 24, ang kanyang malinis na record na wala pa ring talo.

Sinasabing ito na ang “farewell fight” ni Morales, 36, sa Amerika, pero binabalak niya ang isa pang laban sa Tijuana, Mexico bago ang kanyang tuluyang pagreretiro sa boksing.

Bago ang kanilang laban ay nilinaw ng World Boxing Council (WBC) ang mga lumabas na ulat na umano’y nagpositibo sa “banned substance” si Morales.

Sa isang pahayag, sinabi ni WBC president Jose Sulaiman na tsimis lamang ang nasabing report at walang katotohanan.

Una nang inihayag mismo ni Golden Boy Promotion chief executive officer Richard Schaefer na nakitaan ng irigularidad ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng United States Anti Doping Agency kay Morales.

Ang laban kanina ay pagtatangka sana ni Morales na makaganti at muling makuha ang WBC light welterweight title mula kay Garcia.

Kung maaalala kabilang sa makasaysayang mga laban ni Morales ay ang trilogy nila ni 8-division world champion Manny Pacquiao na dalawang beses tinalo ng Filipino ring icon ang Mexican rival.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply