Mumurahing alahas, nakalalason, nakamamatay

BINALAAN ng isang toxic watchdog ang publiko laban sa pagbili ng mga mumurahing alahas matapos na matuklasan sa pagsusuri na ilan sa mga ito ay may sangkap na nakalalasong kemikal na maaaring makapinsala ng utak ng isang tao o di kaya’y maging dahilan ng kamatayan.

Ayon kay Aileen Lucero ng Project Protect ng grupong EcoWaste Coalition, bumili sila ng 17 uri ng alahas mula sa mga bargain store sa mga lungsod ng Makati at Quezon, kabilang ang anklet, arm cuff, bling, bracelet, brooch, chain, charm, crown, cuff link, earring, hair accessory, necklace, pin, ring, at iba pa.

Ang mga naturang alahas ay sinuri nila gamit ang isang X-ray fluorescence (XRF) spectrometer at natuklasang 14 sa mga ito ay nagtataglay ng mataas na antas ng cadmium at lead.

Ani Lucero, nakakabahala ang kanilang natuklasan dahil ang mga naturang alahas ay kayang-kaya umanong bilhin ng mga bata dahil sa kamurahan nito.

Ipinaliwanag ni Lucero na ang mga alahas na maraming sangkap na cadmium at lead ay nakalalason, lalo na sa mga bata na sa kainosentehan ay maaaring paglaruan ang mga ito, isubo, nguyain at mailulon, sanhi upang humalo ang mga naturang heavy metal sa kanilang dugo.

Ayon umano sa World Health Organization (WHO), ang cadmium at lead ay potent neurotoxins, o brain at nerve poisons, at kabilang sa 10 uri ng kemikal na “major public health concern.”

“Cadmium exerts toxic effects on the kidney, the skeletal and the respiratory systems, and is classified as a human carcinogen,” while lead “affects multiple body systems, including the neurologic, hematologic, gastrointestinal, cardiovascular, and renal systems,” paliwanag pa ng WHO.

Iginiit nito na ang pagkalantad kahit sa mababang antas ng lead ay maaring maging sanhi ng brain at nervous system damage, behavioural problems, learning difficulties, delayed growth, hearing loss at pananakit ng ulo habang ang acute lead poisoning naman umano sa mga bata ay maaaring maging sanhi ng seizure, coma at pagkamatay.

Kaugnay nito, umapela sa pamahalaan ang grupo na magpatupad ng mas mahigpit na pamantayan ukol sa pagbebenta ng mga naturang mumurahing alahas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply