Nagpapakalat ng pekeng pera binalaan

NAGBABALA ang Malakanyang sa mga taong ngayon pa lamang ay nagpapakalat na ng pekeng pera para makapanloko ng tao lalo na’t malapit na ang Kapaskuhan.

Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, agad na makukulong ang mga taong namemeke ng pera lalo pa’t naka-alerto ang kapulisan sa bagay na ito.

“Hindi ho biro ‘yang ginagawa niyo, at naka-alerto ho din ang kapulisan dahil alam po nila na kapag palapit na po ang Pasko… Naglabas na rin ho <ng> warning ang BSP at doon ho sa mga nakikinig sa atin, dahil merong bagong mukha ho ‘yung ating mga pera, meron hong mga panuntunan o mga gabay na nilabas ang BSP kung papaano po tayo hindi mabibiktima n’ung mga namemeke ho ng pera,” anito.

Nauna rito, umapela naman si Southern Police District Director, Chief Supt. Benito Estipona sa posibleng pagkalat ngayon ng mga pekeng pera ng mga sindikato ngayong nalalapit ang panahon ng Kapaskuhan.

Ito’y makaraang dalawang hinihinalang miyembro ng sindikato ng pekeng pera ang nadakip ng mga tauhan ng SPD sa magkahiwalay na lugar sa Parañaque at Pasay City.

Sa ulat, unang nadakip ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang suspek na si Sandy Acmad­, 30, ng Tawi-Tawi St., Maharlika Village, Brgy. Central, Taguig City, kahapon.

Napag-alaman na isang sumbong ang natanggap ng pulisya sa paggamit ni Acmad ng pekeng pera sa pagbili ng sari-saring gamit sa may BF Resort sa naturang lungsod.

Nakumpiska kay Acmad ang 19 na pirasong pekeng P50 na kabilang sa palsipikadong salapi na kanyang ibinabayad sa ilang mga establisimiyento sa naturang lugar.

Sumunod na nadakip ng mga tauhan ng Pasay police si Felix Diokno, 33, residente rin ng Taguig City habang nagbabayad ng pekeng pera sa isang Chinese restaurant sa EDSA Taft Avenue kahapon.

Nakumpiska naman ng pulisya kay Diokno ang limang piraso ng pekeng P1,000 na bukod sa ibinayad niya sa naturang restaurant.

Ayon kay Estipona, ginaya na rin ng mga namemeke ang bagong disenyo ng pera na inilabas ng Bangko Sentral.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply