Nanindigan na lang sana si Recto

NAGBITIW bilang Chairman ng Committee on Ways and Means si Senator Ralph Recto matapos tumanggap ng alegasyon at ‘di magagandang pasaring ang panukala nitong ibaba ang inihain ng Palasyong dadag-buwis para sa sigarilyo at alak sa bansa.

Sa bersyon kasi ni Recto, ibinaba nito sa P15-20 billion ang dapat sana ay P60 billion na  maaaring kitain ng gobyerno kung sakaling maipapasa ang “sin” tax bill na tinatalakay sa Senado.

Ayon sa ilang akusasyon, hindi naging pantay ang de-sisyong lumabas sa panukalang inilahad ni Recto sa Senado dahil sa Philip Morris plant sa Batangas. Dahil umano sa naturang planta na nakabase sa lugar na kilalang balwarte ni Recto, mas kinilingan nito ang cigarette companies sa pagtrato sa “sin” tax bill.

Ang dagdag buwis na kikitain sana ng gobyerno sa panukalang batas ay maipandaragdag ng pamahalaan sa iba’t ibang programa at proyekto nito na higit na makatutulong sa ating mga kababayang nangangailangan nito.

Isang magandang daan ito na kung maipapasa sa konsyumer ang dagdag buwis, maaaring piliting ihinto na lamang ng tumatangkilik sa alak at sigarilyo ang paggamit/pag-inom nito upang makatipid. Sa ginawang pagbibitiw ni Recto, may nangyari bang maganda sa bansa o may progreso bang naganap sa panukala para “sin” tax?

Kung nais talaga niyang mapatunayan na walang naganap na iregularidad sa paglikha niya ng desisyon na ibaba ang buwis sa sin tax bill, dapat ay ipinaliwanag niya nang mabuti ang proseso at konsiderasyon na kanyang ginawa at isi-naalang-alang sa paggawa ng ganung klase ng panukala.

Hindi nasagot ang lahat ng akusasyon at intiriga sa pagbibitiw ni Recto. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa kanya upang linawin ang ispekulasyon patungkol sa kanyang panukala sa “sin” tax bill. Sa kasalukuyan, hindi pa ganap ang pagbibitiw na ito ni Recto dahil may proseso pang dapat pagdaanan upang tuluyan niyang mabitawan ang committee na kanyang iiwanan.

Sa “sin” tax bill, malinis ang hangarin ng pamahalaan na palawigin pa ang posibilidad na kumita upang mas matulungan ang publiko na nangangailangan ng serbisyo at pro-teksyon nito.

Kung saan hahantong ang panukalang batas na ito, sana ay kasama pa rin ang interes ng publiko sa konsiderasyong isasaalang-alang upang maging pinal na batas ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply