Napulitika tayo sa Rosario, Cavite

MAHIRAP sa isang manunulat kung walang “tawiwit” na nagbibigay ng impormasyon galing mismo sa iba’t-ibang lugar kung saan nagaganap ang mga anomalya.

Pero mas mahirap pala, parekoy, kung paniniwalaan agad natin ng “kompleto”, ika nga, ang mga impormasyong ibinabato sa atin.

Gaya nang naganap sa Rosario, Cavite, kung saan ay walang tumakbong kandidato laban kay incumbent Mayor Nonong Ricafrente.

Sa galit marahil ng ilang kalaban niya sa pulitika ngunit takot namang kumandidato ay pinadalhan tayo ng “moro-morong” detalye at ilang kasabwat na siyang sumagot sa ating mga tanong noong una tayong inimbitahan doon.

Buti na lang, parekoy, at nakonsensya ang isang kasabwat, at lakas-loob nitong inamin sa atin ang kompletong plano kung saan tayo ay gagamitin (naumpisahan na nga hehehe) para sa kanilang paninira.

Sa kanyang pag-amin, kasabay ang ilang dokumento, napatunayan natin, parekoy, na kumpirmado o tumpak ang sinabi ng Chief of Police na si Col. Miguelito Jabaybay Descalzo na lehitimo ang operasyon ng isang gaming corporation na kasalukuyang nag-ooperate roon sa Rosario, Cavite.

Kaya naman pala malakas ang loob ni hepe na sabihing walang nangyari o nagaganap na lagayan sa Provincial at  Regional Police offices.

Eh, paano nga namang magkakalagayan kung lehitimo ang isang operasyon?

Maging ang ipinarating sa ating impormasyon na galit umano sa inyong lingkod ang anak ni Mayor Ricafrente na SB member ay nakadisensyo pala para tayo ay pasiklabin!

Tangna, parekoy, hindi tayo takot magbulgar ng mga anomalya, pero hindi rin naman tayo magdadalawang isip para ituwid ang mga pagkakamali kung mapatunayan natin na tayo ay naging biktima o nagamit sa paninira sa kapwa!

Pero ang tinitiyak natin, parekoy, ang naganap sa Rosario ay hindi kawalan sa atin.

Bagkus ay doon sa mga taong pinagkatiwalaan natin na tanggapin at bigyang halaga ang mga sumbong.

‘Yun pala ay gagamitin lang tayo. Tsk, tsk, tsk. Tangna!

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply