Natansong asawa ng dayuhan, nangungupit pa!

HINDI na bago sa ating mga pandinig na itinutulak ng mga magulang ang anak nilang mga babae upang makapangasawa ng dayuhan.

May paniniwala silang kahit papaano, ito ang tanging paraan upang makaahon ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.

Kahit pa nga hindi kakilala ang dayuhan, basta ibang kulay at hindi kalahi, ayos na para sa mga anak nila.

Dati kahit hindi pa nga nakikita ang itsura ng kausap, naka-chat lang, puwede na rin!

Malaki ang ambag ng makabagong teknolohiya sa mga pag-aasawahang ito!

Kaya nga nauso ang mail-order bride noon.

Nakaanunsiyo pa nga ito sa mga tabloid sa Europa kung may nais silang makilala na mga Pilipina upang mapangasawa.

May isang Pinay noon na may ka-penpal na isang European. Batam-bata ang litratong ipinadala ng lalaki.

Hanggang sa maisaayos ang lahat ng kanyang mga dokumento at dumating ang araw na kanyang pinakahihintay.

Bumiyahe na si kabayan at nang dumating ito sa airport sa isang bansa sa Europa, nagulat siya na may kumakaway sa kanyang isang matanda na naka-sakay sa wheel chair.

Hawak-hawak naman ni kabayan ang litrato at hinahanap niya ang lalaking kakatagpuin at nakatakdang pakasalan.

Nadoble pa ang pagkagulat niya nang lumapit na sa kanya ang matandang lalaki at may dala-dala din itong kaparehong-kapareho ng litratong hawak niya.

Sabay sinabi niyang siya rin ang lalaking iyon noong bata pa siya.

Gayong alam niyang natanso siya ng dayuhan, nilinlang, ngunit minabuti na rin ng Pinay na manatili sa piling ng matandang dayuhan, pinakasalan pa rin niya ito, kaysa ‘anya bumalik siya sa kanilang probinsiya at hindi kakayanin ang labis na kahihiyan sa kanyang mga kababaryo.

Palibhasa’y retirado na at nasa wheelchair pa, naging tagapag-alaga na lang ito ng asawa.

Hindi naman siya maaaring makapagtrabaho pa, dahil kinuha nga siya ng dayuhan upang maging asawa at tagapangalaga niya.

Inilihim din niya sa pamilya ang tunay na kalagayan, samantalang umaasa naman ang mga iyon na regular siyang magpapadala sa kanila.

Dahil sa kagustuhang pasayahin din ang pamilya, natuto siyang mangupit sa matandang asawa para lang may ipadala dito sa Pilipinas.

Halos ganito rin ang sitwasyon ng isa nating Pinay.

Kapag namamalengke siya, tinataasan niya ang bawat presyo ng mga pinamimili nito sa grocery.

Itinatago rin niya sa storage room ang ilang napamili upang muli na naman siyang makahingi ng budget na pang-grocery.

Iyon ang naging style ni kabayan sa loob ng mahabang panahon, makapagpadala lamang ng pera rito sa Pilipinas.

Natuto siyang mandaya at hindi naging tapat sa asawa kahit sa malilit na bagay, dahil nga sa awa na rin at pangungulit ng mga kapamilya rito sa Pilipinas.

Kaya sana naman, para sa mga kapamilyang naiiwan dito sa Pilipinas, huwag po kayong umasa nang umasa sa inyong mga anak na nakapangasawa ng dayuhan.

Hindi madali ang mga pinagdaraanan nila.

Marami rin silang problema sa kani-kanilang mga pamilya sa abroad.

At lalong hindi madali ang makisama at makisalamuha sa iba’t ibang lahi at kultura lalo pa’t nakikipamahay pa sila sa mga iyon.

Ibang-iba ang kalagayan ng ating mga OFW na nagtatrabaho sa abroad at naka-pokus lamang sa kanilang mga trabaho upang makapagpadala sa pamilya.

Lalong hindi maintindihan ng mga dayuhan kung bakit kailangang magpadala ng pera sa Pilipinas ang kanilang mga asawa, maging ng ating mga OFW.

* * *

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International. BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply