NBA: Allen nagpakitang gilas agad sa Heat

MAINIT na pinalakpakan si Ray Allen ng mga fans pagpasok sa basketball court kaya ginanahan ito upang tulungan ang Miami Heat na paluhurin ang dating nitong koponan na Boston Cletics, 120-107 sa pagbubukas ng 2012-13 National Basketbal Association, regular season kanina.

Pasok agad ang unang tira ng dating Celtics star player Allen sa three-point area.

Tumipa si Allen ng 19 puntos at tigalawang rebounds at assists sa 30 minutong paglalaro sa bagong niyang team na Heat.

Nakapagtala si Allen ng 5-of-7 sa fieldgoal, 2-of-3 sa three-point at 7-of-8 sa free throw line.

Nasa unahan ang defending champion Heat, 62-54 sa half time at lumobo pa ito matapos ang third canto, 93-76.

Umabot pa sa 19 puntos ang nilamang ng Heat subalit naibaba ito sa apat nang lumabas ng basketball court si reigning MVP LebRon James dahil sa cramps.

Isang 11-2 run ang inarangkada ng Celtics para lumapit sila sa Heat 107-111 may 2:09 minuto na lang ang nalalabi sa fourth quarter.

Inagapan naman nina 2006 MVP Dwyane Wade, Chris Bosh at Rashard Lewis ang pagsalba sa Heat upang iselyo ang unang panalo sa season.

Si Wade ang top scorer ng Miami na may sinalpak na 29 points, apat na assists at tatlong rebounds, habang 19 pts. ang inambag ni Bosh.

Tumapos si Heat superstar James ng 26 points at 10 rebounds.

Nanguna sa opensa ng Celtics si Paul Pierce na may 23 points habang 22 ang ginawa ni Rajon Rondo.

Samantala, kinaldag ng Cleveland Cavaliers ang Washington Wizards, 94-84.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply