No day off, no absent sa MMDA sa Undas

MAHIGPIT na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “no day off, no absent policy” sa darating na Undas mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 5 upang matiyak na buo ang kanilang puwersa sa pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Sa pakikipagpulong sa mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, bumuo na umano ang mga ito ng kani-kanilang traffic scheme at re-routing.

Kasama ring pinulong ng MMDA ang mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan, Skyway Corporation, North Luzon Expressway, at mga administrador ng mga sementeryo para opisyal na ilunsad ang “Oplan Kaluluwa 2012.”

Una nang nagpakalat ang MMDA ng apat na grupo ng mga maglilinis sa labasan ng mga pinakamaruruming sementeryo sa Metro Manila. Nasa 2,387 empleyado rin ng MMDA ang ikakalat sa bisperas at mismong araw ng Undas para sa pamamahala ng daloy ng trapiko at paglilinis.

Bukod sa pagsasaayos ng trapiko, tutulong din ang mga tauhan ng MMDA sa pagbibigay ng tulong sa mga terminal ng bus para magbuhat ng mga bagahe ng mga pasahero.

Kasama rin sa pulong ang mga opisyal ng National Capital Regional Police Office at Bureau of Fire Protection (BFP) na naghayag ng kanilang mga contingency plan laban sa krimen at sa posibleng pagsiklab ng sunog.

Pinayuhan naman ng MMDA ang publiko na samantalahin ang mga araw bago ang All Saints at All Souls Day para sa paglilinis ng mga puntod ng mga mahal sa buhay kaysa sa mismong araw ng Undas na maraming mga bagay na gamit sa panglinis ang ipagbabawal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply