Nuisance candidates malalaman sa susunod na linggo

ILALABAS na ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang listahan ng nuisance candidates at mga aspiring senatorial candidates na papayagan nilang makalahok sa 2013 midterm elections.

Ito ang inihayag ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento kasunod nang pagtatapos nang pagsala ng poll body sa mga ipinatawag na aspiring candidates na naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador.

Ayon kay Sarmiento, diringgin na nila sa susunod na linggo kung sinu-sino sa 36 na isinailalim sa panayam ang kanilang isasama sa opisyal na listahan at posible rin aniyang sa susunod na linggo rin ay mailabas na nila ang listahan kung sino pa ang mga karagdagang kandidatong papayagang makalahok sa senatorial race.

Una nang inaprubahan ng Comelec ang kandidatura ng 27 sa 84 katao na naghain ng COC sa pagka-senador habang ang natitirang 57 pa ay inimbitahan sa pagdinig nitong Huwebes at Biyernes upang makapanayam at mabatid kung seryoso ang mga ito sa kanilang kandidatura at kung may kakayahan bang makapaglunsad ng nationwide campaign.

Sa naturang 57 aspiring senatorial candidates ay 36 ang dumalo sa pagdinig.

Kaugnay nito, ipinaalala rin ni Sarmiento na ang mga hindi nakasipot sa ipinatawag nilang pagdinig ay awtomatiko nang dikswalipikado at hindi na bibigyan ng ikalawang pagkakataon.

Paliwanag nito, ang hindi pagsipot ng mga ito sa pagdinig ay indikasyong hindi sila interesado pa sa puwesto.

Samantala, nitong Biyernes ay agaw-pansin naman sa Comelec si Atty. Ely ‘Spike Boy’ Pamatong  matapos magtungo sa poll body bilang abogado ng mga senatorial candidate na sina Atty. Melchor Chavez at singer na si Victor Wood.

Habang ang kandidato naman ng Kilusang Bagong Lipunan na si Norma Nueva ay nagsabing isusulong ang kapakanan ng mga byuda sakaling palarin.

Nagkabiruan tuloy sila ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. matapos itanong ng opisyal kung paano naman ang mga byudo. Nauwi naman ito sa pagbibiro ni Nueva na maasim pa siya at pwede pa niyang ikonsidera si Brillantes.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply