OAV registration, di palalawigin ng Comelec

HINDI na palalawigin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang overseas absentee voting (OAV) registration matapos ibasura ng en banc ang kahilingan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Nauna rito, hiniling ng DFA sa poll body na palawigin pa ng isang buwan ang registration period para sa mga OAV.

Gayunman, ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., sa botong 4-2 ay hindi pinagbigyan ng en banc ang hiling ng DFA dahil ang local voters ay hindi naman pinalawig pa ang panahon ng pagpapatala.

Nabatid na tanging sina Brillantes at Commissioner Lucenito Tagle lamang ang bumoto pabor sa pagpapalawig sa OAV registration.

Batay sa pinakahuling tala mula sa DFA, umaabot na sa 950,000 ang overseas absentee voters na nakapagpatala para sa 2013 midterm elections.

Samantala, kaugnay nito ay muli ring sinabi ng Comelec na mananatiling bukas ang Comelec offices sa buong bansa sa Biyernes, Oktubre 26 kahit pa idineklara itong holiday dahil sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice para sa mga Muslim.

Sinabi ni Brillantes na lahat ng tanggapan ng Comelec ay bukas sa October 26 para maasikaso ang mga magpapatalang botante.

Mayroon na lamang isang linggo ang publiko para makapagparehistro para sa halalan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply