Obispo: Mag-ingat sa pekeng pari ngayong Undas

PINAYUHAN ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso ang publiko laban sa mga pekeng pari na maaaring magsamantala  ngayong panahon ng Undas upang magkapera.

Ayon kay Bishop Medroso, maraming nagpapanggap na pari sa ganitong okasyon at nag-aalok ng pagbabasbas sa mga puntod para lamang makakuha ng ‘donasyon’ mula sa mga tao.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng obispo ang mga mamamayan na hanapan ng ID o tinatawag na “celebret” ang isang nagpapakilalang pari para matiyak kung tunay itong alagad ng simbahan o isang huwad lamang.

Ipinaliwanag ni Medroso na ang celebret ay nagsisilbing ID ng pari na inisyu sa Dioceses o Archdioceses na kanyang kinabibilangan at pirmado ng kanyang obispo o arsobispo.

“Ang paalala ko lang sa mga tao ngayong Undas na sana huwag kayo pa-deceived by people who present themselves na agad they would bless the grave pretending that they are priest. Huwag dapat maniwala maliban na lamang kung kilala nila ang identity ng pari. Maraming pekeng priest kasi tuwing Undas,” ani Medroso, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Kaugnay nito, binalaan din ng obispo ang mga nagpapanggap na pari na huwag pagsamantalahan ang pagpupugay ng mga mamamayan sa kanilang mga mahal sa buhay sa paggunita ng Undas.

Tradisyon na ng mga Pinoy na pabasbasan sa isang pari ang mga puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay sa panahon ng Undas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply