OFWs remittances nanganganib sa blacklisting ng FATF sa PH

NANGANGANIB na maging masalimuot  ang pagpapadala ng remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos mabigo ang Senado na ipasa ang pangatlong panukalang batas na naglalaypong palakasin ang Anti-Money Laundering Act (AMLA).

Ayon kay Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairman Sen. Serge Osmeña sakaling tuluyang ma-blacklist ang Pilipinas ay maraming mga financial transactions ang maaapektuhan.

“I’m very disappointed because if our country gets demoted to the blacklist, everybody will suffer,” ayon kay Osmeña.

Nabatid na ngayong linggo lamang bago ang session break ng Kongreso ang deadline para maipasa ng Pilipinas ang naturang panukala bago ang pagpupulong ng Financial Action Task Force (FATF) sa Hong Kong sa bukas Oktubre 19.

Pero sa huling session ng Senado para sa dalawang linggong adjournment ay bigong maipasa ang naturang panukala.

Isa si Sen. Joker Arroyo sa mga may katanungan sa panukala kaya naantala ang pagkakapasa nito sa kapulungan.

Sa ngayon ay nasa grey list ng FATF ang Pilipinas at dahil hindi naipasa ang panukalang batas para palakasin ang kampanya laban sa money laundering na nanganganib na magiging blacklist ito.

“Hindi na pwede bumalik sa dark grey. Once lang daw ang dark grey. After nun black na. Magmamakaawa na naman tayong lahat,” ayon kay Osmeña.

Magugunitang noong buwan ng Hunyo ay bahagyang na up-grade ang status ng Pilipinas mula sa dark grey ay naging grey matapos maipasa ang Terrorist Financing Suppression Act at ang Act To Further Strengthen the Anti-Money Laundering Law.

Ngunit dalawa lamang ito sa tatlong panukala na kailangan maipasa ng Pilipinas kung saan ang isa ay nakabinbin pa ngayon sa Kongreso.

Sakaling mapabilang ang Pilipinas sa FATF blacklist ay magkakaroon ito ng masamang epekto sa mga transaksyong pinansyal ng bansa sa ibat-ibang panig ng mundo kabilang na ang remittances ng overseas Filipino workers (OFWs).

Babala naman ni Sen. Teofisto Guingona III, maaaring pahirapan ng ibang bansa ang Pilipinas sa pinansiyal na transaksyon nito dahil sa hinalang maaaring galing sa katiwalian ang pera bunsod ng mahinang Anti-Money Laundering Law sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply