On piano and other things….

ALAM n’yo ba kung ano ang tunog ng walong kamay na tumutugtog ng apat na piano nang sabay-sabay? Paano kung 40 piano na ang sabay-sabay na tinutugtog ng 40 pianista? O 40 piano na tinutugtog ng 80 pianista (meaning 2 pianista sa bawat piano)?

Nung Sabado ng tanghali lang kami nakaranas ng walong kamay na tumutugtog ng apat na piano (ibig sabihin, dalawang tao ang tumutugtog sa bawat piano). Wow, kinilabutan kami sa kamangha-manghang first-time experience na yon!

Bago yon, ang maraming beses na naming naranasan ay yung tinatawag na 4-hand piano (dalawang pianista sa isang piano). At sa mga auditorium ng iba’t ibang unibersidad namin naranasan yon.

Pero yung tigdadalawang tao sa apat na piano, sa sneak preview yon para sa multi-piano concert na Forte@40 na idaraos sa Cultural Center of the Philippines sa November 18, sa ganap na 3pm at 7pm.

Sa Lyric Studio ginanap ang sneak preview na yon, at nasa likod lang yon ng bagong bukas na Robinson’s Magnolia. Apat na grand piano lang ang kasya ru’n sa recital hall ng Lyric Studio, dahil kailangang may space para sa round tables na kakainan ng press and guests, ng performers at officials ng The Piano Teachers Guild of the Philippines na siyang may proyeko ng Forte@40.

Kung 40 piano lang ay meron sa Lyric Studio, dahil bukod sa pagiging piano school, tindahan yon ng Kauai grand piano. Pero mga 20 siksikan na grand piano ang kasya sa recital hall na yon. Kaya lang, pag nilagyan ng 20 grand piano ang recital hall, wala nang puwesto para sa audience.

Oo nga pala, dalawang klase ang piano: may tinatawag na upright piano at may tiinatawag na grand piano. Yung upright, deretso ang likod, parang kahon, kaya pwedeng isandal sa dingding, tipid sa espasyo. Ang upright pia- no ang pangkaraniwang makikita sa mga bahay ng mayayamang pamilya noon sa bansa. Mas mura ito kesa sa grand piano.

Ang grand piano naman ay yung may parang pabilog na likod na naka-extend, kaya mas malaking espasyo ang naookupa nito. Grand piano ang madalas na gamitin sa mga recital at concert dahil siguro mas impresibo yon na tingnan. May malaki at maliit nga palang grand piano.

Para i-distinguish ang maliit sa malaking grand piano, nakaugalian nang tawaging “baby grand” yung maliit na grand piano.

(Kung gusto n’yong makakita at makarinig ng tinutugtog na baby grand, pasyal kayo sa food court ng Power Plant mall tuwing Sabado ng hapon.

May 90-year-old pianist na tumutugtog ru’n ng baby grand tuwing hapon at ang tawag sa kanya ay Lady Sari. Opo, 90 years old na po siya.)

Actually, ihinanda yung 8-hand piano para sa press-con lang na yon.

Sa actual concert, ang pinakamababang bilang ng piano na sabay-sabay tutugtugin ay sampu pero tutugtugin ang mga ito ng 20 pianista.

Apatnapu lahat ang mga piano na ipupuwesto sa entablado ng main theater ng CCP. Ang magiging grand finale ay ang pagtugtog ng 80 kamay sa 40 piano at ang tutugtugin nila ay ang Mga Gintong Pamana na aaregluhin ni Prof. Agapito “Agot” Espino mula sa mga komposisyon ng mga dakilang kompositor na Pilipino na sina Nicanor Abelardo, Francisco Santiago, Francisco Buencamino Sr., Antonio Molina, Rosendo Santos Jr. Lucio San Pedro, Felipe de Leon Sr., Ramon Tapales, Lucrecia Kasilag, at Rudolfo Cornejo. Ang mga tutugtog ay mga pianistang mula sa edad na 8 hanggang sa 80.

Bale tribute to the masters ang Mga Gintong Pamana, at sa unang pagkakataon pa lang sa larangan ng piano gagawin sa bansa ang pagtugtog sa 40 piano ng 80 tao! Ang Mga Gintong Pamana ay ipinalikha (“commissioned” sa Ingles) ng Piano Teachers Guild bilang bahagi pagdiriwang ng Guild ng ika-4O anibersaryo nila.

Limang genre (klase) ng musika ang tutugtugin sa könsyeto at ang mga iyon ay tinatawag na Baroque, Classical, 20th Century, Pop, and Filipino. Actually, kahit na hindi kayo mahilg sa tinatawag na “classical music,” kapag nakita at narinig n’yong sabay-sabay na tinutugtog ang 40 piano, at paminsan-minsan ay parang nagsasagutan sila sa isa’t isa, o dala-dalawa, mamangha kayo at mabibighani. Ngayon pa lang nga ay hindi na namin makalimutan ang pagkamangha namin sa apat na piano na tinugtog ng walong kamay. Kami mismo ay sabik nang mapanood ang Forte@40.

Ang pop medley sa concert ay inareglo ni Ryan Cayabyab at tutugtugin ito ng 20 pianista sa 20 piano. May bilang din na 14 na piano ang tutugtugin ng 28 pianista. Mero’n din nga palang Harry Potter Fantasy and Super Mario Capriccio na tutugtugin sa 30 piano ng 30 pianista.

At kung gusto n’yo nga palang makapanood ng libreng sneak preview ng Forte@40, sumugod kayo sa Lucky China Town sa November 11. Magkakaroon du’n ng sneak preview, bandang 4 pm. Ang Lucky Chinatown ay nasa Reina Regente St., katapat daw nung pamosong 168 Mall sa Divisoria area.

Sa mga gustong manood nang langkay-langkay sa November 18 mismo, mag-email sa askptgp@yahoo.com. Para sa mga presyo ng tiket, tumawag sa Ticketworld, 891-9999.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply