Opisina ng pre-charge ng QCPD kulungan ng ibon

NOONG nakalipas na Biyernes  ay napasyal ang Lily’s Files sa   Quezon City Police District Headquarter sa may Kampo Karingal sa Quezon City at nakatawag pansin sa inyong lingkod ang isang  napakaliit na kuwarto sa ground floor ng main building ng QCPD particular na ang dating tanggapan ng mobile patrol unit ng QCPD.

Pinasok ko ang nasabing silid  na may sukat na humigit kumulang sa apat na dipa ang lapad at haba at doon ay  nalaman ko na ito pala ang tanggapan ng Pre- Charge ng QCPD kung saan iniimbestigahan ang mga pulis na inirereklamo.

Nakita  ko ang mga tauhan nitong si Supt. Dennis De Leon,  na halos hindi makakilos dahil sa liit ng kanilang tanggapan  at nagsisiksikan  pa  ang may walong malalaking mesa at mga upuan.

Napakaraming bakanteng opisina ngayon ang QCPD,  ang ipinag tataka ko lang ay kung bakit hindi mabigyan ng maayos-ayos na opisina  ang  nasabing tanggapan para naman maging presentable sa mga taong nagrereklamo sa mga pulis.

Kahit na siguro sino ang makakita sa tanggapang ito ay maaawa sa mga nag-oopisina rito dahil bukod sa  mistulang kulungan ng ibon ay kulang na kulang pa sa supply.

Noong araw ng Biyernes ay  inatasan ang tanggapan ng Pre-Charge na  mag-imbestiga kaugnay sa kaso ng nakawan sa isang bakery kung saan binugbog ng suspek ang  tindera at pinaimbestigahan  umano dito ang pagkawala ng P7,000 .

Gustuhin mang mag-imbestiga ang mga imbestigador ng Pre- Charge ay hindi  nila magawa dahil wala silang magamit na sasakyan patungo sa lugar ng pinangyarihan.

Agad naman nating ipinaalam  ang problemang ito kay  DIDM Chief Supt. Nestor Abalos, kung saan ay nasa ilalim ng kanyang tanggapan ang  Pre-Charge at ayon dito, nag-request na umano siya ng isang sasakyan kay QCPD Director  Mario Dela Vega.

Habang isinusulat ko ang column na ito ay kinumpirma sa atin ni Col. Abalos  na inaprubahan na ni  Gen. Dela Vega ang kanyang request na mobile  car at  ngayon ay ginagamit na ng tanggapan ng Pre-Charge.

Sana ganito kabilis umaksiyon ang mga opisyal ng ating kapulisan, hindi ‘yung magtuturuan pa at sana po, Gen. Dela Vega, bigyan ninyo rin ng maayos-ayos na opisina ang inyong mga tao.

Maraming bakanteng opisina ngayon ang QCPD diyan sa  Kam-po Karingal at ilan sa mga ito ay ang dating District Anti-Carnapping Unit o DACU at ang mobile patrol unit.

Ang lalaki po ng mga opisinang ito na wala namang gumagamit, sana ay ipagamit  ang mga  ito sa mga opisinang katulad ng Pre-Charge.

Bukas po ang Lily’s Files Column natin  para  sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento,  mag-text lang po sa  0915-5683000  at  09087230036  o kaya ay mag-email lang sa … lpr_2012-@yahoo.com …

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply