P1M bond ng senatoriables, tinutulan ng Arsobispo

HINDI pabor si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa panukala ng Commission on Elections (Comelec) na paglagakin ng P1 milyon bilang bond ang mga senatorial candidates sa 2013 elections.

Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kung matutuloy ang naturang plano ng poll body ay maraming matitino at may kakayahang mamuno sa bansa ngunit walang pera, ang hindi mabibigyan ng pagkakataong tumakbo sa halalan.

Binigyang-diin ni Cruz na mababaw at hindi maganda na gawing ‘pera-pera’ ang basehan sa pagpasok sa pulitika ng isang mamamayan.

Iginiit pa ni Cruz na hindi na kailangan ang bond ng mga kandidato dahil napakadali lamang na tingnan sa isang tao kung talagang maaari at marapat itong kumandidato o nuisance lamang.

“Hindi na kailangan yun, napakadali naman tingnan kung ang isang tao ay talagang puwedeng kandidato, marapat na kandidato o sabi nga e pampagulo lang. Halimbawa naman, ang isang nuisance ay makapaghain ng isang milyong piso, papayagan ba nila itong tumakbo? Alam nilang nuisance,” ayon kay Cruz, sa panayam sa radyo.

“Mahirap naman siguro na ang tangi na lamang basehan ng candidacy ay yung pera. Maaaring yung talagang magaling, marunong walang pera which is true. Marami yan. Marami yan. Wala silang pera, walang silang isang milyon. At maari rin naman na ang isang nuisance ay mayroon isang milyon, ano ibig sabihin nun? Yun lang may milyon ang pwedeng kumandidato at yung wala di pwedeng tumakbo?! Mababaw naman siguro yun,” ayon pa kay Cruz.

Una nang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. balak niyang paglagakin ng P1 milyong bond ang mga senatoriables upang mabawasan ang mga nuisance candidates na naghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply