Padaca handang layasan ang LP

HANDANG magbitiw sa Liberal Party (LP) si dating Isabela Governor at bagong talagang Commission on Elections (Comelec) Commissioner Grace Padaca kung kinakailangan.

Ani Padaca, kung kailangan ito upang hindi mabahiran ng malisya ang pagdedesisyon niya sa pag-upo sa Comelec, magbibitiw siya sa LP ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Posibleng maupo na sa Comelec si Padaca sa Lunes.

Sinabi pa ni Padaca na babayaran niya ng magandang serbisyo ang utang na loob niya sa pangulo.

Alam umano niya ang kontrobersiyang nilikha ng pagsagot ni PNoy sa P70,000 piyansa niya, ngunit mapatutunayan umano niyang hindi siya biased.

Hindi umano niya natanggihan ang alok ng pangulo dahil inialok na ito sa kanya apat na buwan na ang nakararaan – bago pa siya itinalaga bilang commissioner sa Comelec.

Si Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas umano ang nagsabi sa Pangulo ng kanyang arrest warrant at nagulat pa siya nang mag-offer si PNoy na bayaran ang kanyang piyansa

Hindi rin umano siya nagsumite ng aplikasyon para sa pagka-Comelec commissioner.

Sinabi pa niyang kung hindi siya naitalagang Comelec commissioner, kakandidato sana siya bilang gobernador o senador o di kaya’y tuluyan nang nag-retiro sa pulitika.

Sakaling hindi makumpirma sa posisyon sa Comelec, irerespeto umano ito ni Padaca.

Samantala, suportado naman ni PNoy ang mga bagong miyembro ng Liberal Party (LP) sa Pampanga kung saan kabilang si dating Pampanga Governor “Among” Ed Panlilio.

Muli umano itong tatakbo sa pagka-gobernador ng lalawigan para sa 2013 midterm elections, kalaban si incumbent Pampanga Governor Lilia Pineda.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni PNoy na gagawin niya ang lahat upang mapaunlad ang Pampanga.

Inisa-isa rin ng Pangulo ang mga naging anomalya noong nakaraang administrasyon.

Nakatakda namang ilaban ng LP si Atty. Vivian Dabu, tubong-Lubao, Pampanga kay dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Kahit umano sinasabing balwarte ng mga Arroyo ang Pampanga, naniniwala siyang may laban si Dabu kay CGMA.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply