Pagdinig sa CGMA plunder case itinakda sa Okt. 29

DAHIL nasa ospital si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nagdesisyon kaninang umaga ang Sandiganbayan na inilipat sa Oktubre 29 ang pagdinig sa kanyang kasong plunder kaugnay sa maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Swepstakes Office (PCSO).

Pinagbigyan ng anti-graft court ang inihaing mosyon ng kampo ni Mrs. Arroyo na ipagpaliban ang court proceedings sanhi ng kalusugan ng dating Presidente.

Nauna nang sinabi ni Dr. Nona Legaspi ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, na sa kasalukuyan ay nakaditine si Mrs. Arroyo, na ang dating Pangulo ay inilabas na sa intensive care unit (ICU) ng (VMMC).

Gayunman, pinayuhan ng doktor ang kanyang pasyenteng si Mrs. Arroyo na huwag dumalo sa pagdinig sapagkat ang dating lider ng bansa ay isasailalim sa isang echo test sa Philippine Heart Center (PHC) matapos magpakita ng senyales ng ischemia, isang heart disease.

Hindi rin lumutang sa pagdinig si dating PCSO chair at co-accused ni  Mrs. Arroyo sa plunder case na si Manuel Morato, kaya napilitan ang korte na i-reschedule ang kanyang pagdinig sa Oktubre 29 rin.

Nakaratay pa rin si Morato sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, sanhi rin ng heart disease.

Nitong nakaraang Hulyo, sinampahan ng Office of the Ombudsman ng P365-million plunder case laban kay  Mrs.Arroyo kaugnay sa umano’y maling paggamit ng PCSO intelligence funds mula 2008 hanggang 2010. Inakusahan ang dating Pangulo ng paggamit ng pondo ng PCSO para sa kanyang sariling interes.

Noong Hulyo, pinayagan ng isang Pasay court si Mrs. Arroyo na makapagpiyansa sa kaso namang electoral sabotage na kanyag kinakaharap din.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply