Pagkamatay ng 15 anyos sa demolisyon sa Tarlac, imbestigahan

HINAMON ng grupong Kadamay ang bagong Kalihim ng Department of Internal and Local Government (DILG) na si Mar Roxas na imbestigahan at panagutin ang mga salarin mula sa hanay ng kapulisan at SWAT operatives sa naganap na pamamaril sa mga nagbabarikadang maralita sa Brgy. San Roque, Tarlac City kahapon.

Sa nasabing insidente, isang menor-de-edad ang nasawi at marami ang sugatan. Nawagan din ang grupo sa kalihim na itigil ang mga nagaganap na demolisyon sa mga komunidad ng maralita na pinangungunahan ng kapulisan at ilang local government units.

Si John Cali Lagrimas, edad 15 at kasapi ng Anakpawis Partylist ay ikalawang kabataang napaslang sa panahon ng pagbabarikada ng mga maralita, ayon sa Kadamay. Habang ika-11 naman ang binata sa mga maralitang pinaslang sa pagtatanggol sa kanilang paninirahan sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Aquino. Si Arnel Leonor ang unang kabataang pinaslang sa panahon ng demolisyon noong Abril sa Silverio Compound sa Paranaque.

“Kung si Robredo pa ang nasa DILG, malamang ay nagsagawa na ang ahensya ng imbestigasyon sa hanap ng kapulisan na sangkot sa insidente,” ayon kay Gloria Arellano, lider ng Kadamay at national deputy-secreatry general ng Anakpawis.

Binalikan din ni Arellano ang naging kautusan ni Robredo noong naganap ang kaparehas na karahasan sa Silverio Compound. “Kaagad noong naglabas ng kautusan ang DILG para sa isang tigil-demolisyon sa mga maralitang komunidad sa Kamaynilaan, habang iniimbestigahan ang pulisya,” dagdag pa ni Arellano.

Pinamunuan ni Col. Arnel Ramos ng Tarlac City Police ang demolisyon kahapon ng kabahayan ng 68 pamilya. Isinagawa ang demolisyon ng 200-kataong demolition team, 100 pulis at 20 SWAT operatives.

Photo-ops

Ayon naman kay Carlito Badion, lider ng Kadamay at convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon, tila pang ‘photo-ops’ lang ang ginawang pagpapahinto ni Roxas sa demolisyon sa North Triangle noong Lunes sa unang araw niya bilang kalihim ng DILG.

“Habang nagpapatuloy ang mga banta ng demolisyon sa maraming komunidad ng maralita, wala pa ring napapanagot sa mga tiwaling opisyales ng mga LGU at kapulisan na nasa likod ng pandarahas at pamamaslang sa mga maralita. Walang dapat ipagyabang si Roxas na naiintindihan niya ang kalagayan naming mga maralita,” ani Badion.

Panawagan kay Roxas

Muling hinamon ng Kadamay si Secretary Roxas na itigil sa kagyat ang nagaganap na demolisyon sa iba’t ibang lugar sa bansa. Kailangan umanong agarang imbestigahan ng DILG at tiyaking nitong may managot sa mga violations ng mga LGU at kapulisan sa pagpapatupad nila ng mga iligal na demolisyon.

Hangga’t hindi umano nireresolba ng gubyerno ang ugat ng problema sa paninirahan ng mga maralita, dadami pa ang mga mapapaslang at masasaktan sa paglaban ng mga maralita para sa kanilang tirahan at kabuhayan. Sa tala ng Kadamay, may higit 16,000 pamilya na ang nawalang ng tirahan sa loob ng dalawang taong panunugkulan ni Aquino.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply