Pagmasaker sa mag-iinang Bilaan, kinondena ng CPP-NPA

MARIING kinokondena ng Communist Party of the Philippine (CCP) ang umano’y karumal-dumal na pagmasaker sa isang pamilya ng Bilaan Tribe ng  mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan sa lalawigan ng Davao Del Sur dahil lamang sa tahasang pagsalungat ng mga katutubo sa mining operation sa kanilang lugar.

Tahasang inakusahan ng CPP-National Democratic Front ang mga tauhan ng Philippine Army 27th Infantry Battalion na responsable sa umanoy walang-awang pagpatay sa  buntis na si Jovy Malid-Capion at sa kanyang dalawang anak, edad 13 at 8.

“Noong Oktubre 18 ng umaga, walang patumanggang pinagbabaril ng mga pasistang sundalo ng 27th IB ang bahay ni Capion sa Barangay Kiblawis, Kiblawan, Davao del Sur at binigyang-matwid pa ang kanilang kasuklam-suklam na krimen sa pagsasabing ang asawa ni Capion na si Daguil ay isang “armadong bandido,” ayon pa sa pahayag ng Komunista Partido ng Pilipinas.

Nasugatan din sa pag-atake ang limang-taong gulang na anak ng mag-asawa.

Diretsahang inakusan ng CPP na minasaker ng mga armadong tauhan ng rehimeng Aquino ang pamilyang Capion sa utos ng Xsrata-SMI Mining company.

Nitong nakaraang mga dekada, marami nang katutubong B’laan ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang pang-aabuso ng mga ahente ng estado sa karapatang-tao, akusa pa ng makakaliwang hanay.

Sinasabing aktibong nilalabanan ng mga B’laan ang operasyon sa pagminina ng ginto at tanso ng Xstrata-SMI sa Sityo Bong Mal, Kiblawis na naging sanhi na ng paglikas ng mga komunidad ng lumad sa kanilang lupang ninuno at ng grabeng pagkawasak sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan.

Subalit aminado ang CPP na kabilang nga si Daguil Capion sa mga Bilaan na armadong lumalaban sa Xstrata-SMI sa pamamagitan ng armadong milisya ng Pulang Pangayaw.

Sinasabing mahigit nang dalawang taong pinaiigting ng rehimeng Aquino ang giyerang  mapanupil nitong Oplan Bayanihan laluna sa kanayunan. Gamit ang karatula ng “kapayapaan at kaunlaran,” minomobilisa ng rehimeng Aquino ang mga pasistang sundalo nito laban sa demokratikong kilusang masa at armadong paglaban ng mamamayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply