Pagmimina ng black sand sa Pinas kinondena

KINONDENA ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ang walang-humpay na pagmimina ng itim na buhangin sa mga dalampasigan ng bansa na nakasisira sa kapaligiran na ipinadadala sa China.

Sa ipinalabas na pahayag ngayong araw, inihalintulad ni Pimentel ang quarrying ng black sand na ini-export sa mga steel mills ng China sa Black Plague na kumitil sa buhay ng daan-daan libong mamamayan sa Europa noong 14th century.

“Walang masama na manggaling sa Pilipinas ang ilang uri ng mineral na ginagamit ng China sa mga industriya nito. Pero hindi naman natin mapapayagan na masisira ang ating kapaligiran,” ayon kay Pimentel.

Tinukoy pa ni Pimentel sa kanyang talumpati sa Provincial Board Members League of the Philippines-Luzon Chapter na aktibo ang mga lokal at banyagang kompanya sa pangunguha ng buhangin sa bansa.

Kasabay nito, hinimok ng senador ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan na tutulan ang black sand mining sa kani-kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang polusyon.

“Minsan, nagreresulta ang kaunlaran ng polusyon sa tubig, hangin at kalupaan. Ang masasamang praktis sa pagmimina gayundin ang walang-habas na pamumutol ng puno ang ilan lamang sa mga masamang epekto ng modernisasyon,” aniya.

Binigyang-diin ni Pimentel na malaki ang magagawa ng provincial boards sa pangangalaga ng kalikasan sa ilalim ng Local Government Code na iniakda ng kanyang amang si dating Senator Aquilino “Nene” Pimentel.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply