Pagsabak ni Fr. Casas sa pulitika, labag sa church law

LABAG sa batas ng simbahan ang pagpasok ng isang pari sa public office at kung talagang desidido itong kumandidato sa halalan ay dapat siyang umalis sa pagka-pari.

Ito ang iginigiit ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko kasunod nang pagtakbo ni Fr. Leo Casas, social action director ng Diocese of Masbate, sa pagka-gobernador ng lalawigan ng Masbate sa 2013 midterm elections.

Sa kabila naman nito, mistulang desidido na si Casas na sumabak sa pulitika.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng simbahan sa isang pari na pumasok sa pulitika, na bersiyon ng pagkakahiwalay ng simbahan at estado.

“That is clerically and categorically forbidden by the Church law, that no priest may accept an office that includes the exercise of civil power. That is the version of the the separation of the Church and State,” ani Cruz, sa panayam sa radyo.

Pinayuhan ni Cruz si Casas na umalis na lamang sa pagka-pari at humingi ng dispensation sa kanyang clerical obligation.

“He should get out of the priesthood and seek a dispensation from his clerical obligation,” ani Cruz.

Ganito rin naman ang inihayag ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, chairman ng CBCP-Episcopal Commisison on Cannon Law, na nagsabing ang unang principle sa Cannon law ay hindi dapat kumandidato sa eleksyon ang isang pari.

Aniya, kung talagang desidido ang pari na kumandidato kahit pa hindi ito payagan ng kaniyang Obispo ay maaari itong masuspinde sa kaniyang pagkapari.

Sa kabila naman nito, mistulang desidido talaga si Casas sa kaniyang desisyon at sinabing tatanggapin niya ang ipapataw na suspensiyon sa kanyang ministerial function bilang pari ng kaniyang obispong si Masbate Bishop Jose Bantolo.

Aniya, nakausap na niya si Bantolo at naipaabot na niya rito ang kaniyang liham hinggil sa kaniyang planong pagtakbo sa eleksiyon noong pang Linggo, Setyembre 30.

Tiniyak rin ni Casas na nakahanda siyang ipagpalit ang kanyang ministerial function bilang pari para tuparin ang adbokasiya “for governance” sa Masbate.

Aminado din si Casas na isang malaking sakripisyo sa kanya na ipagpalit ang pagiging pari para maging public servant o tunay na lingkod bayan.

Gayunman, nanindigan ito na hangarin niyang magkaroon ng tunay na pagbabago sa Masbate dahil simula pa noong 1960s ay hindi nabibigyan pansin at natutugunan ng mga political leader sa lalawigan ang laganap na kahirapan at talamak na korupsyon.

Nagpahayag rin si Casas ng pangamba sa kaniyang seguridad matapos siyang magdesisyon na sumabak sa pulitika.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply