Palasyo dedma sa Cybercrime Law protests

PATAY-malisya lang ang Malakanyang sa isinagawang protesta ng mga miyembro ng media sa pangunguna ng National Press Club (NPC) at mga estudyante bilang pagtutol sa Cybercrime Law.

Para kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, may karapatan ang kahit na sinuman na ihayag ang kanilang saloobin sa usaping ito.

Aniya, malinaw ang nais na mangyari ng Pangulong Aquino ng itulak niya ang batas na ito at iyon ay ang magkaroon ng patas na parusa ang mga taong nasampahan ng kasong libel sa print, tv at radyo sa mga taong sinasabing maliciously maligned sa cyberspace.

“Bottom line is: Can one sue a person for libel on print, on radio, on TV and then exempt cyberspace if one writes something libelous? ‘Yun lang naman talaga ang sinasabi ni Presidente. Kapag pwede mong kasuhan ang isang tao for libel sa radyo, sa print or TV, hindi ba dapat patas rin lang na may libel laws rin to protect those who are maliciously maligned sa cyberspace. ‘Yun lang naman ang sinasabi ng Pangulo doon. Sinabi rin ni Pangulo doon sang-ayon naman siya kung may planong babaan ‘yung penalty ng online libel,” ayon kay Sec. Lacierda.

Sinabi pa ni Lacierda na ang isyu at usapin o subject ng libel ay agad naman makikita sa Revised Penal Code kung saan ay walang pagkakataon na nagpalabas ng kautusan ang Korte Suprema na nagsasabing labag sa Saligang Batas ang libel.

Kung gusto, aniya, talaga ng mga nagpo-protesta sa cybercrime law ay bahala na ang mga mambabatas na tugunan ang hirit ng mga ito.

Bahala na rin, aniya, ang mga mambabatas kung ano ang nais nilang gawin sa probisyon ng libel.

“The laws on libel, the requirements are quite explicit on the definition of and what should constitute libel. So kung pwede doon sa radyo, sa TV, sa print, ang sinasabi lang naman ng ating Pangulo is dapat din maging responsable ang isang tao sa pagsulat sa cyberspace,” sabi ni Lacierda.

“And the final emphasis here is that we are not here to suppress freedom of the press or freedom of expression. Hindi ho natin pakay ‘yon sa pagtayo ng Cybercrime Protection Act. In fact, we already stated the reasons why it is necessary for us to have a Cybercrime Protection Act.”

Tikom naman ang bibig ng Malakanyang kung OA nga ang reaksyon ng media sa cybercrime law.

Naniniwala ang opisyal na alam ng mga mamamahayag kung ano ang klase ng reaksyon na dapat nilang gawin sa nasabing batas lalo pa’t kaakibat ng isang mamamahayag sa kanyang trabaho ang libel laws.

“May mekanismo for responsibility that accompanies any freedom, in this case, freedom of expression. We’ve recognized that there are reasonable limitations to freedom of expression,” anito.

Bukas,Oktubre 9, na isasagawa ang draft ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng cybercrime law sa Justice Department.

Wala namang ideya si Lacierda kung sino ang mga inimbitahan sa dayalogo subalit ang alam lamang niya ay bukas ito sa publiko.

“Certainly there will be invitations to the media, to the IT community kasi focus din dito ‘yung cybercrime protection: how does one address the cybercrime provisions and how does one implement those provisions. ‘Yung sa media I don’t know but ang nasabi nga sa amin open sa media ‘yung meeting bukas,” ani Lacierda.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply