Pang-aabuso sa Cyber Law kitang-kita na ngayon

NGAYON pa lang ay dapat nang mag-isip-isip ang mga mambabatas ukol sa batas na Cybercrime Prevention Act of 2012 o cyber law.

May palatandaan nang gagamitin ito ng mga opisyal ng pamahalaan at iba pang mga awtoridad para sa kanilang mga pansariling interes.

At ang nagiging biktima ay ang mga ordinaryong mamamayan.

Lalo na ang mga pumupuna sa mga maling sistema na nagaganap.

SCHOOL VS ESTUDYANTE

Tingnan natin ang isang kaso ng isang unibersidad sa parteng Luzon na sumibak sa kanilang mga estudyante na nagreklamo.

Ayon sa mga estudyante, marami silang pinagbayad ng tig-P500 bawat isa bilang entrance fee sa isang school show.

Nang dumating ang isang show, libre pala.

Doon na nagtanungan ang mga estudyante kung ano ang nangyari sa kanilang mga kontribusyon.

Dinaan ng iba sa Facebook ang kanilang mga usapan at nakarating ito sa mga teacher at awtoridad ng eskuwela.

SIBAK ANG MGA ESTUDYANTE?

Ang nangyari?

Sinibak o gustong sibakin ng mga teacher at school administration ang mga estudyante at sinabihan ang mga ito na lumipat na lamang sa ibang unibersidad o kolehiyo.

Ang kalayaan sa pamamamahayag ukol sa lehitimong reklamo o grievance ay sinisikil ng mga teacher at eskuwelahan.

Tanong, mga Bro: sa ilalim ng cyber law, may kapangyarihan ba ang mga teacher at school authority na basta na lang parusahan ang mga estudyante na nag-usap-usap sa pamamagitan ng Facebook at sa pamamagitan ng cellpone?

LIKE NG MGA DOKTOR, NURSE

Sa isang siyudad naman sa Metro Manila, marami ang sinibak na doktor at nurse na nagtatrabaho sa isang city hospital.

May nagreklamo na mamamayan o nurse din yata ukol sa hindi magandang pasilidad at kakulangan sa gamot ng ospital.

Nag-like ang mga doktor at nurse. Pero ang ni-like umano nila ay ang pasubali na sa kabila ng hindi magandang serbisyo ng ospital, nagpapasalamat ang mga pumuna sa pagkakaroon ng ospital ng mga doktor at nurse na magagaling.

SINIBAK NG MAYOR

Anak ng tokwa, pinagsisibak sa trabaho ang mga doktor at nurse dahil umano sa hindi pagsunod ng mga ito sa “protocol” o batayang patakaran ng ospital.

Nanguna ang mayor ng lungsod sa pagsibak sa trabaho ng mga ito.

May idea pang overstaying na ang ilan sa mga doktor at nurse, bukod pa sa hindi pagiging permanenteng empleyado ang mga ito.

Dahil hindi permanente ang mga ito, anytime ay pupuwedeng pagsisibakin ang mg ito sa trabaho.

Hindi rin yata binigyan ng kahit certificate of employment ang mga doktor at nurse na sana’y magagamit ng mga ito sa pag-aaplay sa sa trabaho sa ibang mga ospital, clinic o pag-aabroad na rin.

Pinaandar ang cyber law dito ng mga makapangyarihan kahit na hindi pa pinaiiral ang batas dahil sa temporary restraining order na inisyy ng Supreme Court laban sa nasabing batas.

BABAE INARESTO SA CAGAYAN

Sa lalawigan naman ng Cagayan, may babaeng inaresto ng mga awtoridad dahil sa kasong libelo na isinampa laban sa kanya.

Hinango ang ebidensya umano sa Facebook o internet at siyempre at ito ang isinampa sa korte laban sa babae.

Ang babae ay isang lider ng isang non-government organization na lumalaban sa magnetite o blacksand mining sa ilang bayan sa Cagayan.

Ang mayor ang nagsampa ng kasong libelo laban sa mamamayang babae.

May mga litrato at panawagan umano ang babae at ang kanyang organisasyon na inilabas sa Facebook kaugnay ng kanilang laban sa pagmimina na nakasisira sa kalikasan.

Tanong na naman: pupuwede bang gamitin ang isang litrato o pahayag sa internet bilang ebidensya sa kasong libelo na para lamang sa diyaryo, radyo at telebisyon?

Anoman ang sagot dito ay hindi maliwanag.

Ang publikasyon ng isang litrato o pahayag sa internet ay nasasakop lang ng cber law lalo na’t may batas na para rito.

CYBER LAW VS KARAPATAN

Hindi mga ordinaryong mamamayan na naglalaban-laban ang lumilitaw na mga aktor sa mga nabanggit na kaso.

Awtoridad versus ordinaryong mamamayan ang bida at kontrabida.

Sa pagkakaalam natin, awtoridad ang turing ng batas sa mga teacher, mayor at iba pa.

At ang kanilang mga pinagpapakitaan ng kanilang mga kapangyarihan ay ang mga estudyante, empleyado at ordinaryong mamamayan.

Gamit-gamit ng mga awtoridad ang kanilang kapangyarihan laban sa mamamayan.

Sa pagdating ng mga araw na ipapatupad na ang batas, asahan natin, mga Bro, ang higit na maraming ganitong kalagayan.

Kung pag-aaralan ang kilos ng mga awtoridad, gusto nilang patahimikin ang mamamayan ukol sa mga isyung pambayan na dapat naman talagang lahukan bilang mga mamamayan.

Tingnan ninyo, tiyak na may manggagaling mula sa mga gobernador, kongresman, senador at taga-Palasyo na mga kaso laban sa mamamayan.

Sa dami ba naman ng mga korap, abusado, pabaya sa gobyerno na pupuwedeng punahin, tiyak na lolobo ang mga kaso sa mga hukuman.

Anak ng tokea, hindi kaya magkakagulo ang Pinas dahil sa cyber law na ito?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply