Panibagong pagtaas ng singil sa tubig, kinondena ng grupong Kadamay

HINDI makatarungan ang ginagawang pagpasan ng taumbayan sa pagkalugi ng mga kompanya sa patubig dahil sa pagbabago ng palitan sa pagitan ng piso at ng Japanese Yen.”

Ito ang reaksyon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kaugnay sa napipintong muling pagtaas sa tubig sa Kamaynilaan.

Sa darating na Lunes, Oktubre 7, magtataas ng singil sa mga consumer ng Manila Water, isang kompanyang pag-aari ng mga Ayala. Nagkakahalaga ang taas-singil ng 80 sentimo kada metro kubiko. Dahilan umano ng pagtataas ay ang pagbaba ng halaga ng piso kumpara sa halaga ng Japanese Yen, na nagpapalaki sa halaga ng utang ng Metropolitan Waterworks and Sewage System (MWSS) sa ibang na pinipresyuhan gamit ang nasabing banyagang salapi.

Ayon kay Diamond Kalaw, tagapagsalita ng Kadamay, hindi dapat ipasa sa mga maralita at iba pang consumer ang pagkalugi ng mga kompanya ng patubig. Dagdag pa ni Kalaw, ‘Simula ng isinapribado ang MWSS noong 1997 sa tulak ng globalisasyon, sangkatutak na maanomalyang dagdag-singil sa tubig ang sinasalo ng mga consumer, kabilang na dito ang pagtaas ng singil sa tubig sa tuwing bumababa dahil sa Foreign Currency Differrential Adjustment.”

Palpak umano ang isinagawang pagsasapribado sa industriya ng tubig sa bansa sapagkat simula ng ipatupad ito, patuloy na ang pagtaas ng singil ng mga kumpanyang concessionaire ng MWSS tulad ng Manila Water at Maynilad. “Habang nagigipit ang mga consumer, ang mga negosyante naman ay patuloy na tumataba ang bulsa,” ani Kalaw.

Banta rin ng Kadamay, tututulan nila at ng iba pang grupo ang napipinto at mga darating pang pagtataas sa singil ng tubig, at iba pang serbisyo at produkto gaya ng kuryente at langis hangga’t ang nakikinabang lamang sa mga ito ay iilang mga negosyante.

Nananawagan ang grupo sa pamahalaan na muling isabansa ang industriya ng tubig sa bansa, gayundin ang iba pang batayang industriya gaya ng langis.

“Malaki ang maitutulong nito para hindi na madagdagan pa ang kahirapang dinaranas ng taumbayan habang walang plano ang gubyerno na lumikha ng trabaho para sa maralitang Pilipino at itaas ang sahod ng mga manggagawa sa bansa,” pagwawakas ni Kalaw.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply