Parak tigok sa sinitang riding-in-tandem

TODAS ang isang 36-anyos na tauhan ng Manila Police District matapos pagbabarilin ng sinitang riding-in-tandem sa Ermita, Maynila kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktimang na si PO1 Ryan Bagadiong, may asawa, nakatalaga sa Pedro Gil Police Community Presinct na sakop ng MPD-Ermita Police Station 5 at residente ng Antonio Rivera St., Tondo.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Charles John Duran, kay P/Sr. Insp. Ismael Santos, deputy Chief ng MPD-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 5:30 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa harap ng Bank of the Philippine Island (BPI) na matatagpuan sa United Nations Avenue malapit sa panulukan ng M.H. del Pilar sts., sa Ermita.

Bago ang naturang insidente, iniutos ni Chief Insp. Carol Macawile, block commander ng Pedro Gil PCP, na magsagawa ng routine inspection sa kanilang nasasakupan sina Bagadiong at PO2 Rolando Cabalza.

Habang binabaybay ng dalawa ang kahabaan ng M.H. Del Pilar, naghiwalay umano sila ng daan at tiyempong namataan ni Bagadiong ang dalawang  lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo na nag-counter flow at pawang walang suot na helmet.

Pinara ni Bagadiong ang dalawa at pinadapa ngunit bigla umanong tumayo ang isa at agad na nahawakan ang baril ng pulis at nagkaroon ng agawan.

Nagawang maagaw ng isa sa mga suspek ang baril ng pulis at saka pinagbabaril ito.

Kahit na may tama na si Bagadiong ay nakagapang pa ito patungo sa kanyang motorsiklo, ngunit nilapitan siyang muli ng isa at pinagbabaril.

Dumating si PO2 Cabalza sa lugar ngunit hindi na naabutan pa ang mga suspek na tumakas lulan ng motorsiklo ni Bagadiong.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply