Parak, traffic enforces, tanod at sekyu sa QC, ikakasa sa Undas

MAHIGIT 3,000 pulis, traffic enforcers, barangay tanod at security guards ang ibabala para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa pagpunta sa mga pampubliko at pribadong sementeryo, kolumbarya, at terminal ng mga bus sa paggunita ng All Saints Day at All Souls Day sa Quezon City.

Inatasan ni Mayor Herbert M. Bautista ang mga kaukulang departamento at tanggapan sa pangunguna ng Quezon City Police District (QCPD), department of public order and safety (DPOS), barangay operations center (BOC) at civil registry, na maging handa sa paggunita ng “Undas”.

Iniutos na rin ni Bautista kay QCPD director Mario Dela Vega, DPOS chief Elmo San Diego, BOC head George Felipe at civil registry chief Ramon Matabang na ihanda kaagad ang mga security measures, traffic re-routing sa mga kalsadang dinadaanan patungo sa mga sementeryo, kolumbarya, at terminal ng mga bus, gayundin ang pisikal na ayos ng bawat sementeryo lalo na ang mga pampublikong sementeryo sa Bagbag, Baesa at Novaliches.

Sa ilalim ng plano ng pagkilos ng QCPD, sinabi ni Dela Vega na nag-organisa na sila ng  “Task Force Kaluluwa” na hinati sa tatlong grupo na kinabibilangan ng Alpha na kontra kriminalidad, Bravo na tagabantay sa mga sementeryo at columbaria, at Charlie na magbabantay sa mga terminal ng bus, istasyon ng MRT/LRT at iba pang mahahalagang sakayan.

Maghihigpit din sa pagbabantay ang pulisya sa mga sementeryo, kolumbarya at sakayan ng bus upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang hindi kaaya-ayang mga kaganapan.

Nagbabala rin ang hepe ng QCPD sa publiko na huwag magdala ng ipinagbabawal na mga kagamitan tulad ng nakamamatay na armas at iwasan din ang gumawa ng anumang aktibidad na makakaistorbo sa iba pang bumibisita sa kolumbarya at sementeryo.

Hinikayat din niya ang publiko na maging mapagmatyag at doblehin ang pag-iingat laban sa masasamang loob tulad ng akyat bahay gangs na karaniwang nagsasamantala kapag wala ang mga naninirahan sa isang tahanan sa panahon ng Undas.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply