Pastor arestado sa entrapment

ARESTADO sa isinagawang entrapment operation ng pulisya ang isang pastor ng Born Again Church na nangongolekta umano ng salapi sa mga informal settlers kapalit ng pangakong pabahay ng pamahalaan sa kanilang lugar sa Las Pinas City.

Inaresto ng mga tauhan ni Las Pinas Police chief Sr. Supt. Romulo Sapitula ang suspect na si Pastor Leonardo Tanodra, 59, tumatayo rin bilang pangulo ng Homeowners Association sa kanilang lugar ng Lupang Pinagpala, Barangay Pulang Lupa Uno makaraang tanggapin ang P1,000 markadong salapi dakong alas-2:30 ng hapon.

Ayon kay Sapitula, nagtungo sa kanilang tanggapan si Elvie Andamon, 28, isa sa mga informal settlers ng Lupang Pinagpala upang ireklamo si Tanodra na nakakolekta na sa kanya ng malaking halaga kapalit ng sinasabing pabahay ng pamahalaan na wala namang katotohanan.

Nagpakilala umano sa kanila sa Tanodra bilang kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Urban Poor Affairs sa kanilang lungsod at hiningan sila ng buwanang kontribusyon mula pa noong Pebrero kapalit ng ipamamahagi sa kanilang lupa at bahay sa Barangay CAA sa naturan ding lungsod.

Nang matuklasan ng mga informal settlers na dinakip ng pulisya si Tanodra, sumugod na rin ang iba pang nagrereklamo na pinangunahan ng isang Rodel Maang, 47 na residente rin ng Lupang Pinagpala upang maghain ng kanilang reklamo.

Sinabi ni Sapitula na tinatayang aabot na sa P.3 milyon ang posibleng nakolekta ni Tanodra sa kanyang mga naging biktima mula nang simulan ang paniningil noong Pebrero. Idinugtong pa ni Sapitula na posibleng mai-akyat nila sa large scale estafa mula sa inisyal na kasong swindling ang isasampa laban sa suspect sa oras na tumibay ng husto ang ebidensiya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply