PCSO, PSA race aarangkada sa San Lazaro

KAHIT apat lang ang kalahok sa Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) Anniversary Race na lalargahan ngayong hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite ay paniguradong mahihirapan pa rin ang mga mananayang pumili ng kanilang tatayaan.

Pinaghandaan ito ng husto ng mga horse owners at trainers dahil may kalakihan din ang premyo para sa mananalong kabayo.

Maglulutsahan para sa distansyang 1,600 meter race sina Arvindugo, Si Señor, Pleasantly Perfect at Purple Ribbon upang pag-agawan ang tumataginting na P700,000 top purse.

Ang nasabing karera ay bahagi ng 78th anniversary ng PCSO kung saan ang kikitain ay ibibigay sa Philippine Sportswriters Association (PSA).

Rerendahan ni star jockey Jeffrill Tagulao Zarate si Si Señor habang si former PSA jockey-of-the-year awardee Jonathan Basco Hernandez ay gagabayan si Pleasantly perfect.

Sina class A rider Val Dilema at Jeffrey Bacaycay ang sasakay kina Purple Ribbon at Arvindugo ayon sa pagkakasunod.

Nagpasalamat naman si PSA president at sports editor ng Tempo Rey Bancod sa suporta ng PCSO sa pangunguna ni general manager Atty. Jose Ferdinand Rojas II dahil ang dalawang orga­nisasyon ay matagal nang nagtutulungan para mapaunlad ang horse racing sa bansa.

May makokopo ang second placer na P400,000 habang P300,000 ang pangatlong tatawid ng meta at ang fourth placer ay tatanggap ng P100,000.

Samantala, sa unang PCSO race ay may nakalaang P300,000.00 kabuuang premyo na ang malilikom na pondo ay para sa Pugad Lawin Philippines.

Inaasahang magiging liyamado ang kalahok na Pugad Lawin sa distansyang 1,400 meter race.

Ang ibang kasali ay sina Seni Seviyorum, Quaker’s Hill, Pinay Beauty, Machine Gun Mama at Madam Theresa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply